Magkahalong kilabot at pagkamangha ang naramdaman ng mga siyentista sa natuklasan nilang pinakamalaki umanong spiderweb sa mundo na nilikha ng mahigit 111,000 gagamba na natagpuan sa loob ng isang napakadilim na kuweba sa Albanian-Greek border.

Sa batay sa pag-aaral nina Urak et al. 2025 sa Subterranean Biology, na ipinakita rin sa GMA Integrated Newsfeed, sinabi ng mga siyentista na nagsagawa ng pag-aaral, na may sukat na 106 square meters ang higanteng sapot, na natagpuan malapit sa bukana ng Sulfur Cave.

Binubuo ito ng mga sapot na funnel-shaped o hugis embudo.

Pero hindi lang isa, kundi dalawang klase ng gagamba ang may likha nito -  ang Tegenaria domestica o domestic house spider, at ang Prinerigone vagans.

Ito umano ang kauna-unahang pagkakataon ng colony ng dalawang nabanggit na species, dahil madalas umanong kinakain ng T. domestica ang P. vagans.

Maaari umanong nakaapekto sa paningin ng mga gagamba napakadilim ng kuweba kaya sila nakalikha ng kakaibang colony na magkasama. Sa halip, ang kinakain nila nila ay ang non-biting midges na isang uri ng insekto.

Ayon din sa pagsusuri, naging genetically different na ang mga gagamba sa kuweba kumpara sa ordinaryong specimens.

“Some species exhibit remarkable genetic plasticity, which typically becomes apparent only under extreme conditions. Such conditions can elicit behaviors that are not observed under ‘normal’ circumstances,” sabi ni Istvan Urak, lead author ng pag-aaral.

Nitong Enero 2025, natuklasan din ng mga eksperto ang “zombie” spiders sa isang Irish castle, na mga infected umano ng “never-before-seen” fungus.

Kinokontrol ng fungus na ito ang isip ng cave spiders upang lumabas sila sa kanilang mga lungga.

Sa oras na nasa open space na ang gagamba, dahan-dahang pinapatay ng fungus ang buhay ng host saka ito magkakalat ng kaniyang spores.

Patuloy na pinag-aaralan ang naturang fungus na posible umanong magamit sa medisina.—FRJ GMA Integrated News