Nasa bansa ngayon ang dating sexy actress at TV host na si Amanda Page matapos na maging bahagi ng isang dance concert. Hudyat na rin kaya ito ng kaniyang pagbabalik sa showbiz? Alamin.

Sa kaniyang pagbisita sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, tinanong siya ni Tito Boy kung bakit siya umalis sa showbiz noong 2001 sa kabila ng kaniyang kasikatan.

Paliwanag ni Amanda, sa simula pa lang ay hindi niya nakikita noon ang sarili na tatanda siya sa showbiz

“Feeling ko, when I was in showbiz, that was never going to be my endgame. I always had a different endgame. The endgame was, I was not going to grow old in showbiz,” saad niya.

Para sa aktres, bahagi lamang ng yugto ng kaniyang buhay ang showbiz.

“I was not going to grow old in showbiz. I was not going to stay in showbiz. I always knew going into it that this was just a portion of my life and that I was going to move on,” patuloy niya.

Nakabase na ngayon sa Amerika si Amanda, kasama ang kaniyang asawang duktor at isang anak.

Sa kaniyang pagbabalik sa bansa para maging bahagi ng "D'Legends on the Dance Floor" concert, tinanong ni Tito Boy kung magbabalik-showbiz na rin ba siya ngayon.

Ayon kay Amanda, hindi pa niya nakikita sa ngayon na magbabalik-showbiz siya pero "never say never." 

Kuntento raw ngayon si Amanda sa kaniyang simpleng buhay bilang ina, asawa, at nagtatrabaho bilang administrador sa klinika nila.

"I'm never gonna say never, pero 'yung parang feeling ko I feel like I'm very fortunate right now in my life. I love where I'm at with my life. I love being just a normal person, having a normal life,” saad ni Amanda.

“I love going to work, I love going to gym, I love doing day-to-day things, and having that anonymity and also I feel like the work that my husband and I do is very rewarding," dagdag niya.

Ilan sa mga pelikula na ginawa ni Amanda ang “Rizal in Dapitan,” “Ang Probinsyano,” “Tatsulok,” at marami pang iba. Naging host din siya sa GMA Network's variety show na "SOP," pati na sa "Bubble Gang," "T.G.I.S." at iba pa. – FRJ GMA Integrated News