Sinabi ni Senador Panfilo "Ping" Lacson na nakatanggap siya ng alok na sumama sa “civil-military junta” para alisin sa kanilang mga puwesto sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, ngunit hindi niya ito pinansin.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Linggo, sinabi ni Lacson na galing sa ilang retired military personnel ang naturang alok.
“Dinededma ko nga eh, kasi meron pa ngang offer na maging part of ng junta eh, ng council eh,” anang senador.
“Madaming malikot ang isip, kasi ‘pag ganitong merong crisis, lalo nang napakatalamak ang katiwalian, minsan di mo na din [mapipigil] yung iba na mag-isip ng kung ano-ano. Siguro, in their passion para mabago yung sistema kasi naging systemic kasi yung corruption. Doon sila nanggagaling,” dagdag ni Lacson.
Hinikayat ni Lacson ang publiko na ipagpatuloy ang panawagan sa pananagutan laban sa mga sangkot sa katiwalian kaugnay sa maanomalya umanong flood control projects. Pero hindi umano dapat maging labag sa Saligang Batas ang mga gagawing hakbang.
“Ang panawagan ko rin, ako personally, short of resorting to violence, 'wag humupa yung galit ng ating mga kababayan. Tuloy-tuloy lang yung ating mga kababayan na tigilan na yung katiwalian, tigilan na yung corruption,” saad ni Lacson, na chairman ng Senate blue committee na nagsisiyasat sa flood control projects.
Sa isang pahayag nitong Linggo, tinanggap ng Malacañang Palasyo ang reaksyon ni Lacson at sinabi nitong ang mga panawagan para sa isang “transition council” ay nangangahulugan na nais na patalsikin sa puwesto si Marcos.
"We welcome Senator Lacson's straightforward and unambiguous reaction on that issue, given that the move to change the leadership through a military-backed reset violates our constitution. The people behind this so-called ‘transition council’ have only one goal: to remove President Marcos, Jr. not for the country, not for the Filipinos, but for their own vested interests,” ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro.
Samantala, sinabi ni Lacson na may mga hakbang nang isinasagawa upang papanagutin ang mga sangkot sa katiwalian umano sa paggamit ng pondo para sa flood control.
Gumagawa rin umano ang Senado ng mga reporma upang masiguro ang patas at transparent na proseso para sa 2026 na budget.
“Kami din, kung ano yung magagawa namin sa Senate, yun ire-reform namin yung budget… Iba na yung takbo ng aming direksyon papunta sa 2026 budget, ayaw na namin mag-insert. The Senate, I’m happy na we’re leading the way sa pangunguna ni Finance Chairman Gatchalian. Maganda yung tinutumbok namin. Halos magkakaisa kami, majority, minority… Parang isa na lang ang aming direksyon na gustong tahakin, maging transparent itong budget para di na maulit itong 2023, 2024, 2025,” aniya.
Isang linggo bago ang nakatakdang malakihang mga kilos-protesta sa Nobyembre 30 laban sa korapsyon, muling iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Linggo ang kanilang pagtutol sa mga hindi konstitusyunal na paraan ng pagpapalit ng liderato ng bansa, lalo na ang mga panawagan para sa makialam ang militar sa pulitika. — Jiselle Anne Casucian/FRJ GMA Integrated News

