Mula 2003 hanggang 2020, nawalan ng kagubatan ang kabundukan ng Sierra Madre sa Luzon na kasinglaki ng halos 6,000 football fields. Hindi lang ito dahil sa illegal logging, kundi pati na rin sa malakihang operasyon ng pagmimina. Ang isang kompanya, nakakuha ng permit na magbungkal ng lupa hanggang 2032.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing may dalawang metallic mines sa Sierra Madre sa bahagi ng lalawigan ng Isabela. Kabilang dito ang Dinapigue Mining Corporation (DMC) na isa sa mga nickel mining site na matatagpuan sa Barangay Dimaluade.
Ang mga residente sa barangay, hati ang opinyon sa pagkakaroon ng minahan sa kanilang lugar. May mga nagsasabi na nagbibigay sa kanila ng kabuhayan ang mining site at nakakatulong upang masuportahan ang kanilang mga pamilya.
Inamin din ng kapitan ng barangay na bagama’t tutol siya noong una sa operasyon ng minahan pero nagbago ang kaniyang isipan.
"Tutol kami noon. Kaya lang nu'ng hinihiling namin na project nagbibigay sila kaya hindi na kami umiimik," ayon sa punong barangay.
"Tapos 'yung mga bakod namin sila ang nagbibigay. Sila ang nagbabakod. Mga school namin, naipapatayo. 'Yung mga mahihirap, umangat din nang kaunti. Makakapagpaaral ng anak," dagdag niya.
Ngunit ang dating kawani sa minahan at nakinabang sa trabaho na si Rogelio, nakita ang pangmatagalang epekto na hindi maganda para sa kanila matapos niyang magretiro.
Matapos kasing magretiro, bumalik si Rogelio sa pagsasaka at nakita ang hindi magandang epekto ng minahan sa kanilang taniman.
"'Yung basura ng mina, umaabot sa aming mga tubigan. 'Pag umabot sa aming mga tubigan, nababansot 'yung aming mga pananim," saad niya. "Mayroong parang lumalason sa palay. Another abono uli para sumigla 'yung pananim."
Kung dati ay nakakaani umano siya ng 100 sako sa kaniyang sakahan, ngayon ay nasa 70 sako na lang.
Taong 2007, nang bigyan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ang noo’y Platinum Group Metals Corporation. Isa itong kasunduan sa pagitan ng gobyerno at isang mining company na nagpapahintulot sa kanila na magsagawa ng exploration, development, at production ng mineral resources sa isang lugar.
Napunta ito sa Geogen Corporation noong 2009, at pagkatapos naipasa sa Dinapigue Mining Corporation (DMC) noong 2015. Pinahintulutan silang magsagawa ng mining exploration activities sa Isabela sa loob ng 25 taon o hanggang 2032.
Ayon kinatawan ng kumpanya, ang pagmimina nila ay wala sa loob ng Sierra Madre, at may 1.1 buffer zone mula sa protected area ng kabundukan, na kinikilalang nagbibigay proteksyon sa Luzon laban sa mga bagyo.
Ngunit para sa GreenPeace East Asia, kaduda-duda ang operasyon ng DMC sa Isabela, at talo umano ang kalikasan kapag natapos na ang operasyon ng kompanya sa lugar.
Sinubukan ng KMJS na makuhanan ng pahayag ang mga ahensiya ng pamahalaan na nagbigay ng pahintulot sa DMC na magmina sa lugar pero tumanggi umano ang mga ito na magpaunlak ng panayam.
Tunghayan ang kabuuang ulat tungkol sa nagaganap na pagmimina sa Sierra Madre, at ang ginawang pagtututok din ng KMJS sa kontrobersiyal na high-end housing project sa Cebu na Menterrazas na sinisisi sa matinding pagbaha noong manalasa si Bagyong Tino. Panoorin. – Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
