Hindi na umano makatulog nang mahimbing ang ilang residente ng Sitio Riverside sa Barangay Embarcadero, Mangaldan, Pangasinan dahil sa mga kalabog sa kanilang bubungan dulot ng pambabato nang hindi nila matukoy na salarin.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing una nang inireklamo ng komunidad ang pangyayari noong Oktubre 2025.
Natukoy noon ng mga awtoridad ang isang suspek at nakapanayam nila ito noong Oktubre 28. Ngunit sabi ng mga residente, nagpatuloy ang pambabato makalipas lamang ang ilang araw at mas madalas pa.
“Istorbo po rin kasi sa pagtulog namin. Kasi biglang may lumalagabog. Nagkakaano po sa pagtulog namin,” ayon sa residenteng si Beverly Embornal.
Sa isang video na kuha ng isang residente, madidinig ang malakas na tunog ng mga batong tumatama sa mga bubong.
May isang bahay pa na nabasag ang bintana dahil sa paulit-ulit na pambabato.
Ayon kay Shirley Biagtan, tinamaan na rin ng tumalbog na bato ang kaniyang 16-anyos na anak.
“Pagka-ano nung bato, tumalbog sa pintuan kaya tumama sa kaniya… Nagagalit din ako, gusto kong sumugod pero late niya nang nasabi sa akin,” saad ng ginang.
Pinaigting naman daw ng barangay council at pulisya ang kanilang pagpapatrolya ng mula 7 p.m. hanggang 3 a.m. habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay Barangay Chairperson Teofilo Frianieza Jr., karaniwang nangyayari ang mga pambabato sa pagitan ng 7 p.m. at 10 p.m.
“Mga 7 o’clock kung minsan, tapos pangalawa–pangatlong pagbato na aabot hanggang 10 o’clock,” anang opisyal.
The barangay is also proposing funding for new CCTV cameras to strengthen security and help identify the suspect behind the latest incidents.
Nagmungkahi rin ang barangay ng pondo para sa bagong mga CCTV camera upang palakasin ang seguridad at matulungan ang pagtukoy sa suspek sa mga pinakabagong insidente ng pambabato sa kanilang lugar.—FRJ GMA Integrated News
