Limang-taong-gulang lang noon si Mark John Lopez o Aicka, nang maligaw at mapadpad siya sa Lipa City, Batangas. Dahil hindi niya matandaan kung saan siya nakatira, hindi na siya nakauwi. Pagkalipas ng 18 taon, nananatili pa rin ang kaniyang hangarin na makabalik sa kaniyang pamilya. Magtagumpay kaya siya? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Aicka na ang natatandaan lang  niya noong nawala siya ay may nasakyan siyang jeep at napadpad siya sa Batangas.

Naging pagala-gala sa lansangan sa Lipa si Aicka hanggang sa makita siya ng tricycle driver na si Mang Benny, at tinanong ang kaniyang pangalan.

Bagaman nabanggit ni Aicka ang kaniyang buong pangalan, hindi naman niya matandaan ang kaniyang tirahan. Dinala si Aicka ng barangay sa sangay ng Department of Social Welfare pero wala silang pasilidad na puwedeng pagdalan noon sa bata.

Ayon kay Magdalena Gonzales, pinakiusapan siya noon na kupkupin si Aicka kahit pansamantala. At 2008, inilipat na si Aicka sa isang bahay-ampunan sa San Pablo, Laguna.

Ngunit si Aicka, tumakas at mula noon ay binuhay na ang sarili sa pamamagitan ng kung anu-anong pagkakakitaan gaya ng pangangalakal, pagiging parking boy, kargador at iba pa.

Nang sumapit siya sa edad na 12, nagsimula na siyang magtrabaho sa parlor. Bata pa lang, batid na raw ni Aicka na pusong-babae siya.

Hanggang ngayon, nagtatrabaho pa rin si Aicka sa parlor pero sa San Mateo sa Rizal na siya naninirahan.

Ayon kay Aicka, hindi nawala sa isip niya na hanapin ang kaniyang pamilya. Kaya naman nagpatulong siya sa “KMJS.”

Ipinost naman ng KMJS sa kanilang Facebook page ang panawagan ni Aicka at hindi nagtagal, may tumugon at nagsabing may matagal na rin silang hinahanap na bata noon na Mark John Lopez din ang pangalan.

Ang pangalan ng nagkomento, katulad ng pangalan ng isa sa mga kamag-anak na natatandaan ni Aicka na nag-alaga sa kaniya noong bata siya.

Matupad na kaya ang pangarap ni Aicka na makita ang kaniyang pamilya makalipas ang 18 taon? At tanggapin kaya siya kung sakali ngayon na nagbago na rin ang kaniyang katauhan? Tunghayan sa video ang kuwento. – FRJ GMA Integrated News