Nahaluan ng kilig ang kilabot sa black carpet premiere ng “KMJS' "Gabi ng Lagim: The Movie," dahil sa pagkikita nina Eman Bacosa Pacquiao at Jillian Ward sa sinehan.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing umabot na sa 14 million ang views sa Instagram account ng Sparkle at GMA Regional TV sa naturang unang pagtatagpo ng dalawa.
Bago nito, inihayag ng binatang boksingerong anak ni Manny Pacquaio na showbiz crush niya si Jillian, na nais niyang makita nang personal.
Nang malaman ito ni Jillian, sinabi rin ng Kapuso actress ang hangarin niya na makita si Eman, na bagong Kapuso matapos na pumirma ng kontrata bilang Sparkle Artist.
Napag-alaman na galing pa si Eman sa Cotabato at nagtungo sa Manila para dumalo sa naturang black carpet premiere ng KMJS' "Gabi ng Lagim: The Movie," na isa sa mga bida si Jillian.
"Siyempre masaya po 'yung heart ko na nakita ko siya. I'm very thrilled and honored po na nakasama ko siya ngayon manood ng Gabi ng Lagim," saad ni Eman tungkol kay Jillian.
Sinabi naman Jillian na nasorpresa siya nang makita niya ang binata. Nang araw din iyon, bisita ang Star of the New Gen sa GMA Show na "Unang Hirit," kung saan inihayag muli niya na nais din niyang makita in person si Eman.
Nauna nang sinabi ni Jillian, na pareho nilang pina-follow ni Eman ang isa’t isa sa Instagram.
"Wala akong idea at all so nagulat po talaga ako and ayun…Siyempre I'm very happy and kasi po 'yung nakikita ko lang siya either nagla-like siya or 'yung 'pag nag-me-mesage po siya," ani Jillian.
"Actually, sobrang sweet po ni Eman, nagme-message siya minsan, 'God bless,' tapos mga reminders, 'Have a great day,' ganon," dagdag ng dalaga.
Bukod kay Jillian, nakilala rin ni Eman nang personal si Barbie Forteza at ang kaniyang idolo na si Dingdong Dantes. —FRJ GMA Integrated News
