Inihayag nina Aira Bermudez at Aifha Medina ng Sexbomb ang kanilang paghanga sa BINI, at sinabing proud sila sa narating ng Nation’s Girl Group.
Sa kanilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, natanong sina Aira at Aifha tungkol sa pagkukumpara ng ilan sa Sexbomb at sa BINI.
Binasa ni Tito Boy ang komento ng isang netizen na nagsabing “Mas deserve niyo ang titulong Nation’s Girl Group” at ang Sexbomb ang “Pillars of P-pop.”
Komento ni Aira, “Siguro noong time namin, deserve namin. Pero time ng BINI ngayon, we have to respect that.”
“Ibigay na natin sa kanila ‘yon,” pagsegundo ni Aifha.
Ayon kay Aira, kaniya-kaniyang panahon lamang ng P-pop groups pagdating sa pag-usbong ng kanilang mga karera, kaya dapat maging proud na nirerepresenta ng BINI ang bansa ngayon.
“Lahat tayo may timing sa buhay. Saka nire-represent nila ‘yung country natin. So we have to be proud, ‘di ba, sa narating nila,” dagdag ni Aira.
“Hindi po kami nakikipag-compete,” ayon naman kay Aifha.
Magkakaroon ng dalawang araw na reunion concert ang Sexbomb na “Get Get Aw! The Sexbomb Concert” sa Disyembre 4 sa Araneta Coliseum, at sa Disyembre 9 sa MOA Arena.—FRJ GMA Integrated News

