Kontrolado na ng mga bumbero sa Hong Kong ang sunog sa ilang gusali na nilamon ng apoy sa isang apartment complex sa northern district ng Tai Po. Umakyat na sa 55 ang nasawi, nasa 300 ang nawawala, at may tatlong inaresto na posibleng may kapabayaan umano kaya nangyari ang trahediya.

Mahigit isang araw nang nakikipaglaban ang mga bumbero at rescuer sa matinding init at makapal na usok matapos sumiklab ang apoy habang sinisikap nilang maabot ang mga residenteng pinangangambahang na-trap sa mga matataas na gusali ng Wang Fuk Court housing complex.

May walong gusali ang siksik na complex na may 2,000 apartment, at tirahan ng mahigit 4,600 katao sa financial hub na may kakulangan sa abot-kayang pabahay.

Nitong Huwebes, sinalakay ng mga pulis ang opisina ng building maintenance company na responsable sa housing estate, at nakakuha ng mga dokumentong tumutukoy dito, ayon sa media.

Hindi agad nagbigay ng pahayag ang kompanya.

"We have reason to believe that the company’s responsible parties were grossly negligent, which led to this accident and caused the fire to spread uncontrollably, resulting in major casualties," ayon kay police superintendent Eileen Chung.

Ipinakita sa mga video ang hindi bababa sa dalawang 32-palapag na gusali na binalutan ng berdeng construction mesh at bamboo scaffolding.

Ayon sa mga awtoridad, naapula na nila ang apoy sa apat sa pitong apektadong gusali, at kontrolado na rin ang natitira pang gusali na may apoy.

"We bought in this building more than 20 years ago," ayon sa isang residente. "All of our belongings were in this building, and now that it has all burned like this, what’s left?"

Ayon sa pulisya, bukod sa protective mesh at plastic covering ng mga gusali, na posibleng hindi pumasa sa fire standards, natuklasan din nila na may foam na nakaselyo sa ilang bintana ng isang hindi apektadong gusali, na inilagay ng kompanya habang isinasagawa ang maintenance work na umaabot na ng isang taon.

Inaresto ng pulisya ang dalawang direktor at isang engineering consultant ng kompanya dahil sa hinalang manslaughter kaugnay ng sunog, dagdag ni Chung.

Isinasaayos ang mga gusali sa loob ng isang taon sa halagang HK$330 milyon ($42 milyon), at bawat unit ay nag-aambag ng humigit-kumulang HK$160,000 hanggang HK$180,000, ayon sa media.

Sinabi ng anti-corruption body ng Hong Kong na nagsimula na itong mag-imbestiga sa posibleng katiwalian kaugnay ng renovation.

Isang bumbero ang kabilang sa mga nasawi, habang kritikal ang lagay ng ilan sa mga dinala sa ospital. Tinatayang 279 katao pa ang hindi natatagpuan.

Dalawang Indonesian migrant workers “sa domestic sector” ang namatay sa sunog at dalawa pa ang nasugatan, ayon sa foreign ministry ng naturang bansa.

Ito na ang pinakamataas na bilang ng namatay sa isang sunog sa Hong Kong mula noong 1948, matapos na 176 katao ang nasawi sa sunog sa isang bodega.

Higit 1,200 bumbero ang lumalaban sa apoy, kasama ang 304 fire engines at rescue vehicles.

"The priority is to extinguish the fire and rescue the residents who are trapped," ani city leader John Lee sa mga mamamahayag.

Isa ang Wang Fuk Court sa maraming high-rise housing complexes sa Hong Kong, kabilang sa pinakamataong lungsod sa mundo. Ang Tai Po ay malapit sa hangganan ng mainland China, na may humigit-kumulang 300,000 tao na nakatira.

Sinimulan tirhan ang complex noong 1983, na bahagi ng subsidized home ownership scheme ng gobyerno, ayon sa mga property agency, isang lifeline para sa mga middle-income families.— mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News