Inihayag ni US President Donald Trump na kikilos ang kaniyang administrasyon para permanenteng itigil ang migrasyon o pagtanggap sa mga dayuhan na nagmula sa lahat ng "Third World Countries" para makabawi umano ang tinatawag niyang “US system.” Ang mga nasa US na pero “pabigat” sa kanila, paaalisin.
Hindi tinukoy ni Trump ang mga bansa o ipinaliwanag kung ano ang tinutukoy niyang “third-world countries,” maging ang “permanently pause.” Isasama umano ni Trump ang mga kaso sa migrasyon na inaprubahan sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joe Biden.
"I will permanently pause migration from all Third World Countries to allow the US system to fully recover, terminate all of the millions of Biden illegal admissions, including those signed by Sleepy Joe Biden’s Autopen, and remove anyone who is not a net asset to the United States," saad ni Trump sa kaniyang social media platform na Truth Social.
Sinabi rin ni Trump na aalisin din niya ang lahat ng federal benefits at subsidiya para sa mga “non-citizens,” at idinagdag na “denaturalize migrants who undermine domestic tranquility.” Ipapa-deport din ang sinumang dayuhan na itinuturing na pabigat, banta sa seguridad, o “non-compatible with Western civilization.”
Hindi agad tumugon ang White House at US Citizenship and Immigration Services nang hingan ng Reuters ng komento tungkol sa pahayag ni Trump.
Ginawa ni Trump ang pahayag kasunod ng pagkamatay ng isang miyembro ng National Guard na binaril malapit sa White House. Ayon sa mga imbestigador, ambush ang nangyari at kagagawan ng isang Afghan national.
Una rito, sinabi ng mga opisyal mula sa Department of Homeland Security na iniutos ni Trump ang malawakang pagsusuri ng mga asylum case na inaprubahan sa ilalim ng administrasyon ni Biden at mga Green Card na ibinigay sa mga mamamayan na mula sa 19 na bansa.
Ang bumaril umano sa National Guard ay nabigyan ng asylum ngayong taon sa ilalim ni Trump, ayon sa isang dokumentong mula sa U.S. government na nakita ng Reuters.
Noong Miyerkoles, itinigil ng US Citizenship and Immigration Services ang pagproseso ng lahat ng immigration requests na may kinalaman sa mga Afghan nationals nang walang takdang panahon.
"These goals will be pursued with the aim of achieving a major reduction in illegal and disruptive populations," ani Trum. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News
