Mananatiling nakadetine sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ibasura ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ngayong Biyernes ang apela para sa interim release sa kaniya.
Unanimous ang naging desisyon ng mga hukom ng Appeals Chamber na ibasura ang lahat ng tatlong basehan ng apela.
"Finally, the Appeals Chamber notes that the Pre-Trial Chamber reached its conclusions in relation to the risks enumerated in Article 58(1)(b) of the Statute on the basis of a comprehensive assessment of the information before it. In the present case, having rejected the three grounds of appeal presented by the defense in the appeal brief, the Appeals Chamber unanimously confirms the impugned decision," saad sa desisyon ng Appeals Chamber na binasa ni Judge Luz del Carmen Ibañez Carranza.
Kusang hindi dumalo si Duterte sa pagbasa ng hatol at inatasan na lang ang kaniyang mga abogado na kumatawan sa kaniya sa naturang pagdinig.
Nauna nang tinanggihan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ni Duterte para sa pansamantalang paglaya, matapos matukoy ang pangangailangan na manatili siyang nakadetine.
Sa kanilang apela, iginiit ng kampo ni Duterte na nagkamali ang hukuman sa paghusga sa dating pangulo na magdudulot siya ng panganib, sa pagtanggi sa state guarantee, at sa hindi pagsasaalang-alang sa mga makataong konsiderasyon.
Sinampahan siya ng ICC Prosecutor ng 49 na insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay noong alkalde siya ng Davao City at bilang pangulo ng Pilipinas sa kaniyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa panayam ng GMA News Online, sinabi ni ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti, na bagama’t hindi na maaaring iapela pa ang naturang desisyon, maaari pa ring magsumite ang kampo ni Duterte ng bagong kahilingan para sa pansamantalang paglaya.
"'Yung interim release nasa Appeals Chamber so parang nasa Supreme Court na ito, and therefore the decision will be final," ani Conti.
"What could probably be the next step, kumbaga, is they can ask for interim release again, citing different grounds, citing different circumstance," dagdag niya.
Ayon kay Conti, walang epekto ang desisyon sa kung maaari bang ipagpatuloy ang paglilitis.
Mayroong petisyon ang kampo ni Duterte na ipagpaliban nang walang takdang panahon ang lahat ng legal proceedings, dahil wala na umanong kakayahan ang dating pangulo na gamitin ang memorya nito para idepensa ang sarili.
Dahil dito, iniutos ng ICC Pre-Trial Chamber I ang isang medical examination para kay Duterte upang malaman kung kaya niyang humarap sa paglilitis.
Ayon kay Conti, itinakda ang deadline para sa pagsusumite ng medical reports sa Disyembre 5, habang may hanggang Disyembre 12 ang bawat panig upang magsumite ng kanilang komento.
Pagkatapos nito, magpapasya na ang ICC kung pagbibigyan o tatanggihan ang kahilingang indefinite adjournment sa pagdinig sa kaso.
Samantala, sinabi ni Conti na handa ang ICC prosecution kapag umusad ang trial stage.
"On the part of the prosecution, it seems they are trial-ready. And when I say that, for confirmation of charges and ready sila for anything that happens after that," saad niya.
Tanggap ang desisyon
Sa isang pahayag, sinabi ng pamilya Duterte na tinatanggap nila “with peaceful hearts” ang desisyon ng ICC.
“We will continue to work with the defense team on the case and will keep supporting Former President Rodrigo Duterte with our daily conversations,” dagdag niya. “We thank everyone who prayed with us today.”
Inaresto si Duterte sa Pilipinas noong March 11 sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng ICC. – Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News

