Nagulat at nalito ang isang monk at mga kaanak ng isang lola na inakalang patay na at isasailalim sa cremation, matapos itong kumatok at umiyak mula sa loob ng kaniyang ataul sa isang templo sa Thailand.

Sa video ng Wat Rat Prakong Tham, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, makikitang dinala na sa templo ang lola para i-cremate sa tulong ng isang charity organization.

Ngunit nang silipin ang ataul, nakita nilang gumagalaw pa pala ang lola.

Ayon sa pamilya ng matanda, dalawang taon nang bedridden ang lola. Ilang araw umano siyang hindi nakakain bago nawalan ng malay hanggang sa huminto na sa paghinga.

Hindi na dinala ng pamilya sa doktor ang lola dahil inaakala nilang tuluyan na itong pumanaw.

Agad din nilang inasikaso ang mga dokumento upang maibiyahe ang labi ng lola papunta sa templo na nagbibigay ng libreng cremation at funeral service.

Matapos na mailagay ang lola sa ataul, ibiniyahe ito ng mahigit 300 kilometro.

Dadalhin na sana ang kabaong sa hall para sa seremonya bago ang cremation na nakarinig sila ng katok at iyak mula sa loob nito.

“I peeled back the cloth covering her and I froze when I saw she was still moving. She was conscious, breathing weakly and nodding her head, but she was unable to speak,” sabi ng temple worker na si Thammanoon.

Agad na nagpatawag ng ambulansiya ang kaanak ng matanda at dinala siya sa pinakamalapit na pagamutan.

Sinabi ng mga sumuring doktor na hindi nakitaan ang lola ng senyales ng respiratory o cardiac arrest. Ngunit natuklasan nilang nakaranas ito ng hypoglycemia o labis na pagbaba ng sugar level na posibleng humantong sa comatose.

Patuloy na ginagamot ang lola at tumutulong din ang templo sa kaniyang medical expenses.

“I was shocked, surprised and happy that my sister was still alive. I nearly collapsed from surprise. It’s a miracle that she woke up,” sabi ni Mangkol, kapatid ng lola. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News