Nagsimula lamang sa kanilang matinding cravings, naisip ng isang Gen Z couple na lumikha ng mga flavored Xiao Long Bao para matikman ito, na ginawa na nilang negosyo kalauna. Ang kanilang kinikita ngayon, umaabot ng six digits kada buwan.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang mga home-made at frozen na Xiao Long Bao nina Lyssa Reyes at Von Gutierrez, na kanilang inihahanda sa kanilang apartment sa Pasig City.

Agosto lamang nitong taon nang umpisahan nila ang simpleng negosyo dahil sa kanilang cravings dito.

“Nag-trending kasi siya sa restaurant, 'yung kilalang restaurant. Hindi talaga namin siya afford that time. Gusto namin siya matikman. Nagkaroon na rin ako ng idea na may potential talaga siyang ibenta sa market,” ani Lyssa.

Nanggaling sa Shanghai, China ang Xiao Long Bao, na isang uri ng dumpling. Ang pangalan nito ay nangangahulugang Small o “Xiao,” Basket o “Long” at Bun o “Bao” o “Basket.”

Kaiba sa ibang dumpling, mayroong sabaw sa loob ang Xiao Long Bao, na gawa sa pinagpakuluan na karne na nilagyan ng gelatin upang mabuo. Inihalo ito sa karne at saka pasisingawan.

Bestseller ni Lyssa ang chocolate Xiao Long Bao, na tsokolateng binalot sa chocolate fudge bago pa balutin ng dumpling wrapper at walong minutong pinasisingawan. Kapag luto na, sumasabog sa tamis ang tunaw na tsokolate.

Mabenta rin ang traditional pork Xiao Long Bao at Matcha Xiao Long Bao na frozen na ibinibenta ni Lyssa ng 13 piraso kada tub, na mabibili sa halagang P190.

Bago nito, nag-o-online selling ng mga panghimagas sina Lyssa at Von. Pero tumumal ito kaya nag-isip sila agad ng bagong pagkakakitaan. Nagsimula sila sa P2,000 na puhunan.

Sa kanilang opening, tila sinipag sina Lyssa at Von sa pagbabalot at nakagawa agad ng 800 piraso ng chocolate Xiao Long Bao. Pinost nila ito kaagad sa social media at hindi nila inasahan na magba-viral.

“And then, nagulat ako kasi pagka-post ko, ang dami agad na views and parang wala pang one hour, meron na talagang umorder. Hindi na tumagal 'yung stock namin noong isang araw. Sabi ko, magpapakitang-gilas talaga ako kasi wala kaming tinanggihan na customer noon. Lahat in-accommodate namin” sabi ni Lyssa.

Unti-unting natuto sina Lyssa at Von sa kanilang mga pagkakamali sa negosyo.

“Hindi kami marunong mag-manage ng pera. Kapag nakakakuha kami ng kita, ginagastos namin, pinangkakain namin,” ani Lyssa.

Bilang solusyon, kumuha rin sila ng ilang tauhan at nagtakda ng maximum orders. Kaya unahan sa pagbili dahil naglalabas lang sila ng 300 tubs ng frozen Xiao Long Bao kada linggo.

Ngayon, kumikita na sila ng six digits kada buwan.

“Sa pagnenegosyo kasi kailangan matiyaga ka tsaka mahaba 'yung pasensya mo para kapag ka dumating 'yung araw na ikaw naman, ikaw 'yung bibigyan ng pagkakataon na magproduce ng maraming products, hindi ka tatamadin,” sabi ni Lyssa.—FRJ GMA Integrated News