Nilinaw ng kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Biyernes na kasya ang P500 na pambili ng Noche Buena para sa isang pamilya na may apat na miyembro.

Ginawa ni DTI Sec. Cristina Roque ang pahayag batay sa DTI Price Guide, na nagpapakita na kayang makabili ng pang-Noche Buena sa halagang P500.

“The Noche Buena items for this year, majority of them have no price increase from last year,” pahayag niya sa mga mamamahayag.

“The Noche Buena celebration or Noche Buena handa will depend on the number of family members or even extended relatives that will be joining the Noche Buena celebration,” dagdag niya.

Batay sa DTI Price Guide, ipinakita ni Roque ang sample basket ng apat na putahe na may pandesal na may kabuuang halaga na P526.00.

Ang Christmas ham, tinatayang nagkakahalaga ng P170, habang P78.50 naman ang spaghetti --na may noodles na P30 at sauce na P48.50.

Ang macaroni salad naman ay nasa P152.44 — na may macaroni noodles na P40.95, mayonnaise na P55, at keso na P56.60.

Kasama sa pagtaya ang fruit salad na P98.25-- na may fruit cocktail na P61.75, at all-purpose cream na P36.25.

Sinamahan ito ng 10 pirasong Pinoy Pandesal na P27.75.

Sa naturang halaga, sinabi ni Roque na maaari pang mabawasan ang kabuuang gastos depende sa gusto at kailangan ng pamilya sa Noche Buena.

“Kung tutuusin, it’s really pasok for a family of four,” giit niya tungkol sa P500 na pang-Noche Buena.— FRJ GMA Integrated News