Nag-viral ang video ng influencer na si Mica Nicdao na makikita ang pagtatalo nila ng kaniyang nobyo na nauwi umano sa pananakit ng lalaki sa kaniya.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, unang ipinakita ang video na nagtatalo ang dalawa nang harangin ni Mica ang lalaki na lumabas ng kanilang unit.
Pero hinila ng lalaki si Mica at sinampal.
Sa isa pang video, makikita naman ang pagtatalo muli ng dalawa na ayon kay Mica ay dahil umano sa cellphone.
Pilit na inaagaw ng lalaki ang cellphone kay Mica at halos ibalibag na ang dalaga na natumba sa sahig at napahagulgol.
Ipinost ni Mica ang video noong November 25.
Ayon kay Mica, nangyari ang insidente, isang araw matapos nilang ipagdiwang ang kanilang anniversary.
“Chat, chat siya sa Messenger. Meron akong nakita na girl. Bakit siya ang nasa number one sa Messenger? Ang dami niya munang sinabi. Alam ko na pagka parang feeling ko may mali, ‘yung kilos niya iba na. So sabi ko sa kaniya, ‘Bakit aalis ka? Saan ka pupunta?’ Ayun na, bigla na siyang aggressive. Nasaktan niya na talaga ako,” sabi ni Nicdao sa “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
“Hanggang sa iyon na nga, doon naisip ko na, talagang kaya niyang gawin ‘yon,” dagdag niya.
Bago ang insidente, sinabi ni Mica na may ilang pagkakataon na siyang tinangkang saktan ng nobyo.
“Naging rollercoaster na talaga na hindi ko na lang rin namalayan sa sarili ko na na-tolerate ko ‘yung gano’ng relationship na nakatagal din ako. Hindi mo naman kasi agad makikita. Siyempre sa umpisa parang lahat naman maganda eh. Lahat may kilig pa, lahat maayos pa. So kailangan dapat una pa lang, ‘pag may sign na ng abusive behavior, talagang mag-exit ka na,” pahayag niya.
Ayon sa Gabriela Partylist group, maituturing paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children ang ginawa ng nobyo ni Mica.
Sa ilalim ng naturang batas, maaaring panagutin ang taong gumawa ng pisikal, seksuwal, psychological o economic abuse sa kanilang partner at maging sa bata.
“Sa case niya, hindi inaabot. Halimbawa, ‘yung kanina, konti lang. Pero may dinudulot talagang pinsala sa kaniya ‘yun eh. ‘Yung impact talaga nu’ng buong pagkatao mismo ng tao, ‘yung affected diyan. Kung halimbawa, nire-respect mo ‘yan, tapos karelasyon mo nga, ka-live-in mo nga. Tapos mag-a-attempt ka na saktan o dahil nag-struggle kayo doon saan. Halimbawa, galit, ganiyan. Porke galit, meron ka ng license para gawin ‘yun?,” ayon kay Obeth Montes, pinuno ng advocacy program and services for VAWC victim-survivors ng Gabriela.
Kung mapapatunayang nagkasala ang isang akusado, maaari siyang makulong ng isang buwan hanggang 20 taon, at multang P100,000 hanggang P300,000, depende sa uri ng ginawang pananakit.
May mga hakbang na umanong pinag-iisipan si Mica.
Mapapanood naman sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” sa Linggo ang ibang detalye sa naturang kuwento ni Mica.—FRJ GMA Integrated News
