Inihayag ng isang mataas na economic official na posibleng hindi na naman maaabot ng Pilipinas ang target na economic growth ngayong 2025. Kapag nangyari, ito na ang ikatlong sunod na taon na sasablay ang inaasintang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) Secretary Arsenio Balisacan, “very unlikely” na maabot ang ibinaba nang growth target na 5.5% hanggang 6.5% na itinakda ng inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Bunga ito ng mas mahina kaysa inaasahang performance ng ekonomiya sa ikatlong bahagi ng taon. Nakaapekto umano rito ang isyu ng korupsiyon na dahilan para humina ang kumpiyansa ng mga consumer at investor.
“Honestly, that’s very unlikely now. We need to grow roughly 7% in the fourth quarter to achieve 5.5% growth for the year, and given the situations and the data that are coming out, that’s quite unlikely,” pahayag ng opisyal sa mga mamamahayag nitong Lune sa Mandaluyong City.
“At the moment, the first three quarters have delivered 5% growth. If we can sustain 5% for the year, that’s still, to me, quite respectable. Our intention is to move back to the top tier of the target range,” dagdag niya.
Kung sasablay ang 5.5% target ngayong 2025, ito na ang magiging ikatlong sunod-sunod na taon na hindi maaabot ng Pilipinas ang economic target. Naitala ang 5.6% growth noong 2024, na mas mababa sa target na 6.0%–6.5%; at 5.5% noong 2023 mas mababa rin sa 6.0%–7.0% na target.
Umaabot ang economic expansion sa average na 5% sa unang siyam na buwan ng 2025, matapos bumagal ang third-quarter GDP sa 4.0%—ang pinakamahina sa loob ng apat na taon, at pinakamababa mula sa 3.8% sa first quarter ng 2021 noong umiiral pa ang mahigpit na COVID-19 lockdowns.
Nangyari ang pagbagal nang maisiwalat ang tungkol sa laganap na katiwalian sa bansa. Sa kaniyang State of the Nation Address noong Agosto, ibinunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na 20% ng P545-bilyong budget para sa flood control projects ang napunta lang sa 15 kontratista.
Nagsagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon ang dalawang kapulungan ng Kongreso hinggil sa umano’y iregularidad sa paggastos para sa public works. Kasabay nito, binuo naman ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), na inatasang mag-imbestiga rin at magrekomenda kung sino ang mga dapat sampahan ng kaso kaugnay sa katiwalian umano sa flood control at iba pang infrastructure projects.
“Amid these governance issues, it is imperative that while we pursue transparency and accountability, we ensure that the economic gains we have reaped over the years are not only protected but sustained and deepened,” ani Balisacan.
“Only by keeping our growth momentum through steady and sound economic policies, and a steadfast commitment to uplift the lives of ordinary Filipinos, can we earn and maintain our people’s trust in government,” dagdag niya.— Jon Victor D. Cabuenas/FRJ GMA Integrated News

