Ilang overseas Filipino workers (OFWs) ang nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) para ireklamo ang isang courier service company sa Makati na hindi umano naihatid ang mga ipinadala nilang mga balikbayan box.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing sinamahan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) at Department of Migrant Workers (DMW), ang mga OFW sa tanggapan ng NBI para maghain ng reklamo laban sa courier service.
Ayon sa mga OFW, delayed ang mga ipinadala nilang mga kahon ng mula limang buwan hanggang higit isang taon. Ang iba sa kanila, nauna pang umuwi sa Pilipinas kaysa sa kanilang ipinadalang balikbayan box.
Ang OFW na si Alias “Hans,” nangangamba na baka expired na ang ilan sa mga nakalagay sa ipinadala niyang dalawang balikbayan box. Habang siyam na kahon naman daw ang ipinadala sa Pilipinas ni si Alias “Leah” noon pang 2024.
“Pero bakit hanggang ngayon [wala], bakit nagkakaganito? Talagang disappointed ang lahat ng OFW,” ayon kay Hans.
“Masakit sir kasi ang dami noon eh… tapos until now hindi pa namin makuha,” sabi naman ni Leah.
Ayon sa BoC, tinatayang 10,000 Pilipino ang apektado ng libo-libong balikbayan boxes na naiwan sa mahigit 100 containers na pinabayaan umano ng courier service.
Desidido silang tulungan ang mga OFW para kasuhan ang kumpanya.
“Gusto nilang mag-file ng kaso na large scale estafa in relation to economic sabotage. Itong practice na ito matagal na kaya sa tulong ng NBI ay naniniwala po kami na mabibigyan natin ng agarang aksiyon ang idinudulog ng mga kababayan natin ,” ayon kay Deputy BOC Commissioner Michael Fermin.
Ibinigay na sa NBI ang salaysay ng mga OFW para masimulan ang imbestigasyon at pagsasampa ng reklamo laban sa kompanya, na wala pang pahayag.
“Priority natin ito. ibigay natin sa isa o dalawang unit. imbestigahan na natin agad. we will prepare for their statement taking,” sabi ni NBI Director Lito Magno. – FRJ GMA Integrated News
