Isang puting uwak na nakitang sugatan ang inalagaan ng isang pamilya sa Misamis Oriental. Pero kahit magaling na, pinili umano ng pambihirang ibon na magpabalik-balik sa taong nagligtas sa kaniya.
Sa isang ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras,” ipinakita ang kuhang larawan ni Jun Rey Yap sa puting uwak na nakita niya noong nakaraang buwan sa bayan ng Jasaan.
“‘Yung nakita ko ‘yung white crow, very unique kaya pinuntahan ko ‘yun sa Jasaan,” ani Yap. “Nakita ko po sa isang vlog kaya po na-encourage ako na puntahan talaga. As a wildlife photographer, ‘pag may nakikita kaming rare, ma-spot kami, very special para sa amin.”
Napag-alaman na taong 2020 nailigtas ng isang pamilya sa Jasaan ang pambihirang ibon.
Ayon kay Orvelle Ebalang, ama ni Jaybert, unang nakita ng kaniyang anak ang ibon na sugatan.
“Pumunta ang aking bunso sa kuwan. Mayroon siyang nakita na puti na ibon. Gusto na niyang barilin, naawa siya. Ang ginawa niya umakyat siya ng puno para kunin. Pagkatapos dinala niya sa aming bahay. Paghuli niya, mayroong sugat. Tinambalan, inalagaan namin,” kuwento ni Ebalang.
Sinubukan umano ni Jaybert na pakawalan ang ibon sa gubat pero bumabalik ito sa kanilang bahay.
“Kahit siya lumipad na malayo, bumalik dito siya sa aming bahay,” patuloy ni Orvelle.
Mula noon, naging instant local celebrity na sa lugar ang uwak na puti at dinadayo ng mga photographer at content creators para masilayan ang kakaibang ibon.
Noong 2014, isang katulad na ibon ang nahuli sa bayan ng Villanueva.
Ipinaliwanag naman ng wildlife biologist na si Jay Fidelino, na pambihira ang pagkakaroon ng puting uwak na kadalasang itim. Gayunman, may paliwanag naman kung bakit ito naging puti.
“So ‘yung photo is of an albino na uwak o crow. Ito ‘yung mga hayop na hindi kaya mag-produce ng melanin or 'yung pigment na nagbibigay ng itim na color sa balat, sa feathers, sa beak nila. It's a very rare phenomenon,” ayon kay Fidelino.—FRJ GMA Integrated News
