Anak ang turing ng babaeng nag-viral kamakailan sa social media sa dalawa niyang alagang aso na hindi niya iniwan kahit nasusunog na ang gusali na kanilang tinitirhan sa Mandaue City, Cebu. Alamin ang kuwento ng babaeng binansagan ng ilang netizens na “best fur mom ever,” tungkol sa nangyaring insidente.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nakilala ang babae sa viral video na si Ei Mei Lee Maningo. Ang dalawa niyang alaga, sina “Miyah,” na 3-years-old, at si “Kayen,” na 2-years-old.

Sa dalawa, sinabi ni Ei na mas clingy si Kayen, habang nonchalant naman at selosa si Miyah.

Parang bata raw kung kausapin niya ang dalawang alaga.

Napag-alaman din na overseas Filipino worker ang asawa ni Ei, at ang dalawang aso ang kasama niya sa kanilang tirahan na nasa ikatlong palapag ng nasunog na gusali noong nakaraang linggo.

Nang mangyari ang sunog, nag-aalmusal daw si Ei noon at hindi niya namalayan na nasusunog na pala ang gusali.

“Yung mga tao sa ibaba, sinisigaw nila yung pangalan ko na, ‘baba ka kasi may sunog.’ Pero hindi ko naririnig,” kuwento niya. ‘

Hanggang sa may narinig siyang nagbabagsakan kaya lalabas sana siya pero mayroon na umanong usok. Nakaramdam na rin daw siya ng hapdi sa mga mata at hirap sa paghinga.

May mga nagsasabi na raw siya na mga tao sa ibaba na iwan na niya sina Miyah at Kayen.

“Kahit naman sino na mga may pet hindi talaga natin makakaya na iwan na lang sila nang basta-basta,” sabi ni Ei.

Hanggang sa sabihan siya ng mga tao sa ibaba na ihagis na lang niya ang mga aso at sasaluhin nila.

Ngunit nais daw niya na matiyak na sasaluhin talaga ng mga tao sa ibaba ang kaniyang mga alaga.

Doon na nakita sa viral video ang magkasunod na paghagis niya sa dalawang alaga, habang makikita rin ang makapal na usok na may kasamang naglalagablab na apoy sa ikatlong palapag ng gusali.

“Nung safe na sila [mga aso], that’s the time na nag-decide na bababa na talaga ako,” sabi ni Ei.

Pero nang sandaling iyon, nakita na rin niya na malaki na ang apoy sa kaniyang likuran. Kasabay nito, nakita rin niya na may mahaba nang hagdan ang mga bumbero na magre-rescue sa kaniya.

Kaya dali-dali siyang sumampa sa bakod ng third floor habang nakahawak sa railing upang abutin ng kaniyang mga paa ang hagdan na kinapos pa rin sa mismong kinalalagyan niya.

Ikinuwento ni Ei ang makapigil-hiningang tagpo na muntik na siyang mahulog pa.

“Im trying kasi to move a little bit lower doon sa position ko. Pinasok ko yung kamay ko kala ko may mahahawakan doon, wala pala. Muntik akong malaglag,” saad niya. "Bumalik yung hands ko sa railing, enough naman time na yung foot ko naman naka-step siya sa ladder.”

Ayon kay Ei, nakaranas siya ng matinding sakit ng ulo, pagkahilo at pagsusuka matapos ang insidente.

Na-confine din siya noon sa ospital para mamonitor ang kaniyang kalagayan.

“Ok naman po ako ngayon pero I’m traumatized talaga,” sabi ni Ei, na ang tanging tinamo sa insidente ay mga galos sa binti.

Ang dalawa niyang alaga, maayos din ang lagay.

“Kapag mayroon tayong sariling anak ‘di ba uunahin naman natin ang kapakanan nila,” ani Ei. “Yon yung ginagawa ko sa fur babies ko. It’s our responsibility as fur parents naman.”

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng naturang sunog. – FRJ GMA Integrated News