Lumabas sa pinakabagong survey ng Pulse Asia Research na 54% ng mga adult na Pinoy ang pabor na magkaroon ng batas laban sa political dynasties. Dahil sa muli itong napag-uusapan, balikan natin kung ano nga ba ang nangyari sa mga dating panukalang batas na inihain sa Kongreso na naglalayong upang limitahan ang mga magkakakamag-anak na humawak sa mga iba’t ibang posisyon na mauukopa sa pamamagitan ng halalan sa bansa.
Sa Article II, Section 26 ng 1987 Constitution, ipinag-uutos na “the State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law."
Ibig sabihin, nakasaad sa mismong Saligang Batas ng bansa ang pagbabawal ng political dynasty ngunit dapat na magkaroon ng batas na patungkol dito.
Ngunit matapos ang halos 40 taon makaraang magawa ang Konstitusyon, ilang panukala na ang naihain patungkol sa political dynasty subalit walang nagtagumpay na makapasa.
Narito ang pagsisikap ng ilang mambabatas na makapagpasa ng anti-political dynasty law sa nakalipas na mga taon:
1992 hanggang 1993
Batay sa mga rekord na makikita sa mga website ng Kamara at Senado, unang naihain ang Anti-Political Dynasty bill noong mga taong ito. Kabilang rito ang panukalang inihain ni Rep. Roger Mercado ng Southern Leyte noong 1993.
Naaprubahan sa antas ng komite ang panukala ni Mercado, at doon na ito nagtapos.
1995
Muling inihain ang Anti-Political Dynasty bill sa Kamara at muling naaprubahan sa komite, ngunit hindi na umusad pa.
1996 hanggang 2007
Muling inihain ang panukala sa Kamara at Senado sa mga taong ito. Gayunman, nanatili lamang ito sa mga talakayan sa antas ng komite, at may nakalusot na maaprubahan ngunit hanggang komite pa rin lang umabot.
Ilan sa mga may-akda ng panukala ay sina dating Senador Miriam Defensor Santiago at Alfredo Lim, Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo, Senador Panfilo Lacson, at Iloilo Rep. Art Defensor Jr., bukod sa iba pa.
Mayroon lamang available na datos ang website ng Senado mula sa Ika-13 Kongreso pataas, o simula 2004.
2008 hanggang 2013
Muling inihain ang Anti-Political Dynasty bill sa Kamara at Senado sa mga taong ito, na may parehong mga may-akda, ngunit wala pa ring nangyari at hindi pa rin lumampas sa antas ng komite ang mga talakayan.
2014
Nagkaroon ng isang pambihirang pag-usad ang panukala sa taong ito ng 2014 nang umabot ang mga deliberasyon sa plenaryo ang bersyon ng Kamara, na isinulong noon ng tagapangulo ng House committee on suffrage and electoral reforms at Capiz Rep. Frednil Castro sa ilalim ng House Bill 3587.
Layunin ng House Bill 3587 na limitahan ang kapangyarihang pulitikal ng mga pamilyang nasa pulitika sa pamamagitan ng pagbabawal sa mga kamag-anak hanggang sa ikalawang antas ng pagiging magkamag-anak (consanguinity) na humawak o tumakbo sa parehong pambansa at lokal na posisyon sa sunod-sunod, sabay-sabay, o overlapping terms.
“[This bill] gives the best and brightest from a disadvantaged family equal access to public service which otherwise could have been held and occupied by other members of political dynasties,” saad ni Castro.
Subalit hindi na ito umabot sa sumunod na yugto ng deliberasyon.
2015
Sinabi ng noo’y House Speaker na si Feliciano Belmonte Jr. na hindi magpapasa ang Kamara ng Anti-Political Dynasty bill na walang “ngipin,” at iginiit na magdudulot lamang ito ng galit ng publiko.
Dahil sa kawalan ng enabling law, patuloy ang maraming magkakamag-anak sa pulitika sa pagsabak sa iba't ibang posisyon na maaaring makuha sa halalan.
2016 hanggang 2017
Muling may naghain ng Anti-Political Dynasty bill sa Kongreso ngunit hindi pa rin umabot sa plenaryo ng kapulungan.
2018
Iminungkahi ng Consultative Committee na pinamunuan ng dating Chief Justice Reynato Puno-- na inatasan ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte na magpanukala ng mga pag-amyenda sa Konstitusyon kaugnay ng paglipat sa pederalismo-- ang pagsasama ng Anti-Political Dynasty na probisyon bilang mahalagang paunang hakbang bago ang transisyon sa pederalismo. Gayunman, aminado si Duterte na magiging mahirap itong maipasa.
“The problem is will it be approved? Because in our country, after a politician finishes his [or her] term, they would ask the son or the wife [to run],” saad niya noon.
2019 hanggang 2025
Patuloy na may mga naghahain ng Anti-Political Dynasty bill, bagama’t nananatiling nakatengga ang mga talakayan sa antas ng komite.
Kabilang sa mga naghain ng panukala ay sina Senador na sina Robinhood Padilla, Panfilo Lacson, Erwin Tulfo, Kiko Pangilinan, at Risa Hontiveros; gayundin ang mga kongresista na sina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio at Kabataan Partylist Rep. Renee Co; Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores; Cebu City 1st District Rep. Rachel del Mar; Surigao del Norte 2nd District Rep. Bernadette Barbers; Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos; Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice; ML Partylist Rep. Leila de Lima; Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago; 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez; Pasig City Rep. Roman Romulo; Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao; at Akbayan Partylist Reps. Perci Cendaña, Chel Diokno, at Dadah Ismula, at iba pa.
August 2025
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia na ang praktikal na batas laban sa political dynasty ay ipagbawal ang magkamag-anak na kasalukuyang nakaupo o may posisyon, hanggang sa ikalawang antas ng pagiging magkamag-anak, na tumakbo sa pampublikong posisyon.
“Sa amin pong palagay ang second degree of consanguinity ang mas practical at mas reasonable in order not to deprive others of the opportunity to run for public office,” pahayag ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia sa Senate committee on electoral reforms hearing.
Ang ikalawang antas ng pagkakamag-anak ay tumutukoy sa mga kamag-anak sa dugo, kabilang ang mga kapatid, lolo at lola, apo, tiyuhin at tiyahin, pamangkin na lalaki at babae
Ngayong Kongreso, kabilang sina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Presidential Son na si House Majority Leader Ferdinand Alexander "Sandro" Marcos, sa mga naghain ng panukalang batas laban Political Dynasty Bill.
Sa kanilang panukala, nais nilang i-disqualify ang mga asawa, kapatid, at mga kamag-anak sa hanggang ikaapat na antas ng affinity o consanguinity ng isang duly elected na opisyal ng gobyerno mula sa sabay-sabay na paghawak ng mga tinukoy na halal na posisyon.
Basahin: Bojie Dy, Sandro Marcos file bill to combat political dynasties
-- Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News

