Pinataob ni Alexandra “Alex” Eala si Magda Linette sa iskor na 6–3, 6–2, sa quarterfinals ng ASB Classic nitong Biyernes sa Auckland, New Zealand, at umusad sa semifinals ng WTA 250 event.
Naging mahigpit ang simula ng unang set, na nagtabla sa 2–2 bago umalagwa ang world No. 53 na Pinay sa tatlong sunod na laro at kunin ang 5–2 na kalamangan.
Nakahawak pa ng isang service game ang 33-anyos na Polish player na kasalukuyang world No. 52, ngunit agad ring isinara ni Eala ang set.
Iba ang naging takbo ng ikalawang set, dahil mabilis na umabante si Eala sa 4–0 bago makabawi si Linette ng dalawang magkasunod na laro. Pero hindi nagtinag si Eala at sinelyuhan ang panalo sa straight sets.
Sinabi ni Eala na natutuwa siya sa patuloy na pagbuti ng kaniyang laro sa tour, lalo na sa laban sa isang manlalarong mataas ang kalibre na katulad ni Linette.
"Obviously Magda, being such an experienced player, I've had difficulties playing against her before. So I'm happy that I'm seeing my level increase and improve," saad ni Eala sa post-match interview.
Umabot si Eala sa quarterfinals matapos talunin ang mga Croatians na sina Donna Vekic at Petra Marcinko sa mga naunang round ng torneo.
Susunod na makakaharap ng Filipina ace si Xinyu Wang ng China sa semifinals.
Muling lalaban si Eala ngayong araw kasama ang kaniyang partner na si Iva Jovic kontra kina Yifan Xu at Zhaoxuan Yang ng China sa doubles semifinals.
— FRJ GMA Integrated News

