Idinaan ni Carla Abellana sa biro na malapit na niyang ma-beat o matalo ang kaniyang naunang kasal na tumagal lang ng pitong linggo, ngayong kasal na uli siya kay Dr. Reginald Santos.
“Nagjo-joke nga ako. We're married two weeks, so konti na lang mabi-beat ko na ‘yung dating record ko,” biro ni Carla sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
“Kung dati, nagtagal po ng seven weeks, five more weeks mabi-beat ko na ang sarili kong record,” dagdag niya.
Pabirong nagtanong na rin si Tito Boy kay Carla kung magkakaroon ba ng selebrasyon kapag natalo niya ang kaniyang naunang record.
“Yes! Dapat meron (celebration) by the seventh week,” natatawang sabi ni Carla.
Sa isang banda, inihayag ni Carla na inaasahan na niya ang buhay may-asawa.
“Whether the honey moon stage, a challenge na dumaan — whatever it is that's part of getting married and experiencing married life for the first time,” sabi niya.
Sa parehong panayam, sinabi niyang pangarap niyang magka-baby at simulan ang sarili niyang pamilya.
Ikinasal sina Carla at Reginald noong nakaraang Disyembre 27 sa isang intimate na seremonya sa Cavite.
Dating ikinasal si Carla sa aktor na si Tom Rodriguez noong Oktubre 2021. Ngunit naghiwalay sila pagkaraan ng ilang linggo, at inanunsyo na wala nang bisa ang kanilang kasal noong Hunyo 2022.—FRJ GMA Integrated News
