Sumuko ang dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kaniya ang Sandiganbayan Third Division kaugnay ng umano’y ?92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Ayon sa ulat ni Rod Vega ng Super Radyo dzBB, sinabing dumating si Revilla sa Camp Crame sa Quezon City dakong 9:58 pm ngayong Lunes.

.Una rito, naglabas ang Third Division ng anti-graft court ng warrant of arrest at hold departure order (HDO) laban kay Revilla, at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa kasong malversation kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Pandi.

Bukod kay Revilla, kabilang sa iba pang respondents sa kaso ay sina:

  • former DPWH Bulacan First District Engineering Office (DEO) assistant district engineer Brice Hernandez
  • former DPWH Bulacan First DEO Engr. Jaypee Mendoza
  • former DPWH Bulacan First DEO Engr. Arjay Domasig
  • former DPWH Bulacan First DEO Engr. Emelita Juat
  • former DPWH Bulacan First DEO finance section chief Juanito Mendoza, at
  • DPWH Bulacan First District Engineering Office cashier Christina Pineda.

Nito ring Lunes ng gabi, isinilbi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga warrant of arrest laban kina Hernandez at Mendoza sa Senado kung saan sila nakadetine mula pa noong nakaraang taon makaraang i-contempt.

Inaresto ang dalawa matapos na dumadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamunuan ni Senador Ping Lacson sa Senado.

Sa hiwalay na ulat ng “Saksi” ni EJ Gomez nitong Lunes ng gabi, sinabing dumating si Revilla dakong 9:57 pm sa CIDG. Kasama niya ang kaniyang asawa na si Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado Revilla, at mga anak na sina Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla at Agimat Party-list Rep. Bryan Revilla.

Sinabi sa ulat na mahigpit ang seguridad sa punong tanggapan ng PNP matapos ang pagsuko ng dating senador.

Humarap naman sa mga mamamahayag si PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. sa labas ng tanggapan ng CIDG at kinumpirma ang kusang pagsuko ni Revilla.

Sa isang pahayag na inilabas dakong hatinggabi ng Lunes, muling kinumpirma ng PNP ang pagsuko ni Revilla at sinabing agad na inatasan ang CIDG upang isilbi ang warrant of arrest laban sa kanya.

“The warrant was duly implemented, and the former senator was formally informed of the nature of his arrest and his constitutional rights,” ayon sa PNP.

Isinailalim ang dating senador sa karaniwang booking at documentation procedures sa ilalim ng kustodiya ng CIDG. Kabilang dito ang kinakailangang medical examination alinsunod sa umiiral na mga patakaran at protocol.

Bago sumuko, nagbigay ng pahayag si Revilla sa kaniyang mga tagasuporta sa pamamagitan ng Facebook Live. Dito, inihayag niya ang kaniyang pagkadismaya sa tinawag niyang “lack of due process” kaya naglabas ng warrant of arrest at hold departure order (HDO) ang Sandiganbayan laban sa kaniya.

Ikinalulungkot niya na tila wala umanong due process, at iginiit na haharapin niya ang mga kaso nang walang takot. Dagdag pa niya, naniniwala siyang hindi siya pababayaan ng Panginoon sa kabila ng kaniyang pagiging inosente sa bintang na kumita siya sa flood control projects noong senador siya.

Humiling din ang dating senador ng panalangin para sa kaniya at sa kaniyang pamilya. — FRJ GMA Integrated News