Inihayag ng Department of Health na handa ang Pilipinas para sa Nipah virus, na hindi na umano bagong sakit na iniulat kamakailan na nagkaroon ng outbreak sa West Bengal, India. Ano nga ba ang virus na ito at ano mga sintomas? Alamin.
Sa isang pahayag, sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na naitala na ang Nipah virus noong 2014 sa Sultan Kudarat, at nagkaroon ng 17 kaso.
“The symptoms were flu, but some also had swelling of the brain (encephalitis) and meningitis. These were acquired by eating horse meat and being in contact with a sick person,” sabi niya.
Idinagdag niya na wala nang NiV sa bansa matapos ang 2014 pero patuloy itong minomonitor ng DOH sa pamamagitan ng Epidemiology Bureau.
"The Department of Health (DOH) is ready for the Nipah virus and other diseases. In fact, this is not new to us," sabi ni Domingo.
Sa isa namang hiwalay na panayam sa dzBB nitong Miyerkoles, sinabi ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante na low risk pa ang Pilipinas para sa Nipah virus (NiV) infection, pero hindi dapat maging kampante ang mga awtoridad.
Sinabi ni Solante na pinaka “at risk” ang mga biyaherong bumisita sa mga lugar na may mga kasalukuyang outbreak.
Napaulat kamakailan ang isang outbreak sa West Bengal, India, na may limang kumpirmadong kaso at humigit-kumulang 100 close contacts na kasalukuyang mino-monitor.
Sinabi ni Solante na bihira ang human-to-human transmission ng NiV, dahil kadalasang nagmumula sa mga hayop ang mga impeksiyon.
"You need a high viral load for transmission to occur. Most of the time, if for example you are with an infected individual, it can be transmitted through droplets," paliwanag niya.
Nagpayo rin siya ang publiko na mag-ingat sa pagkain ng hilaw o hindi lutong karne, na kabilang sa mga karaniwang paraan para makuha ang sakit.
"You have to wash your hands, cook meat properly, and if you experience symptoms, consult a doctor so they can determine what kind of infection you may have," sabi ni Solante.
"It’s also important to wash hands regularly and wear protective gloves when necessary," dagdag niya.
Nanawagan si Solante na dapat ding ipatupad ang health screening sa mga paliparan at transport terminals bilang paunang proteksyon laban sa NiV.
"You have to prioritize visitors or residents coming from areas with ongoing outbreaks. It’s important to check their health status and require reporting if symptoms develop within two to three weeks after arrival," aniya.
Samantala, sinabi ng DOH na patuloy nilang minomonitor at pinoprotektahan ang bansa mula sa Nipah virus.
Sinabi ni Domingo na noong 2023, naglabas ng updated guidelines ang Health Department sa pangunguna ni Secretary Teodoro Herbosa, kung paano tutugunan ang Nipah virus.
Kabilang sa mga alituntunin ang malawak na konsiderasyon sa biosafety sa pagkolekta ng sample, testing at diagnosis.
Nagpayo rin si Domingo sa publiko na iwasan ang mga paniki o iba pang may sakit na hayop, at lalo na ang pagiging maingat sa karneng kinakain.
“It is best to eat meat approved by the National Meat Inspection Service or NMIS, and always cook food well,” sabi niya.
Ang Nipah virus ay lubha umanong nakamamatay na sakit na maaaring magdulot ng iba't ibang karamdaman-- mula sa asymptomatic infection hanggang sa acute respiratory illness at nakamamatay na encephalitis.
Mayroon itong case fatality rate na 40 hanggang 75 porsiyento, at sa kasalukuyan ay wala pang alam na paggamot o bakuna para rito.
Sintomas
Ayon sa World Health Organization, ang NiV ay isang zoonotic virus na maaaring maipasa mula sa kontaminadong pagkain o sa pagitan ng mga tao.
Sa Pilipinas, iniulat ng WHO na ilang uri ng paniki ang napag-alamang at risk sa NiV infection.
Ang iba pang mga hayop, gaya ng mga baboy at kabayo, ay maaari ding mahawahan ng NiV.
Unang naitala sa Malaysia noong 1999 at Bangladesh noong 2001, ang virus ay maaaring magdulot ng iba't ibang uri ng sakit mula sa asymptomatic (subclinical) infection hanggang sa acute respiratory illness at nakamamatay na encephalitis, pati na rin ang malubhang sakit sa mga hayop.
Halos taun-taon na mga ourbreak ang naiulat sa Bangladesh mula 2001, at natukoy din sa silangang India.
"It infects a wide range of animals and causes severe disease and death in people, making it a public health concern," pagbabahagi ng WHO.
Pinaka-karaniwang pinagmumulan ng NiV ang fruit bats, at puwede ring mahawaan ang mga alagang hayop.
Ang mga taong nahawaan ay maaaring magpakita ng mga sumusunod na sintomas:
- Lagnat
- Pananakit ng ulo
- Myalgia (pananakit ng kalamnan)
- Pagsusuka
- Pananakit ng lalamunan
- Pagkahilo
- Pagka-antok
- Pagbabago ng kamalayan
- Neurological signs ng cute encephalitis
Sa mga malalang kaso, maaaring makaranas ng encephalitis at mga seizure at humantong sa coma sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
Ang NiV ay na-incubate sa pagitan ng 4 hanggang 14 na araw, ngunit maaaring umabot ng 45 araw.
"The case fatality rate is estimated at 40% to 75%. This rate can vary by outbreak depending on local capabilities for epidemiological surveillance and clinical management," ulat ng WHO.
Mahirap ma-diagnose ang NiV dahil hindi tiyak ang mga unang sintomas, at kadalasan ay nasusuri ang mga ito sa pamamagitan ng laboratory testing at clinical history sa panahon ng talamak at convalescent phase ng sakit.
Sa kasalukuyan, walang gamot para sa NiV.
“WHO has identified Nipah as a priority disease for the WHO Research and Development Blueprint. Intensive supportive care is recommended to treat severe respiratory and neurologic complications,” dagdag ng WHO.-- Jiselle Anne C. Casucian/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
