Nagsampa ng reklamo ang isang 40-anyos na lalaking nagpakilalang driver at personal assistant ni Rhian Ramos sa National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Rhian, Michelle Dee, Samantha Panlilio, dalawang bodyguard ni Michelle at ilang pulis, na umano’y nanakit at pagkulong sa kaniyang isang condo unit.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabi ng nagrereklamo na itinago sa pangalang “Totoy,” na pinaghinalaan siya ng mga aktres na kumuha ng “ampaw” na naglalaman umano ng mga pribadong larawan.
Nagtungo si Totoy sa tanggapan ng NBI sa Pasay City, kasama ang opisyal ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Ayon kay Totoy, puwersahan siyang dinala sa condo unit nina Rhian at Michelle noong January 17, at pinapaamin umano sa pagkawala ng ampaw na may sensitibong mga larawan na nasa condo.
"Kinausap ako ng pulis, 'nasa 'yo ba talaga?' Sabi ko wala po sir," ani Totoy.
Ayon pa kay Totoy, ikinulong siya sa condo unit ng tatlong araw at sinaktan umano ng mga bodyguard ni Michelle.
“Bigla po akong hinatak ng dalawang bodyguard. Pinagbubugbog nila ako sa loob, sinisipa ako, suntok kahit sa gilid ng CR," dagdag niya.
Kasama rin umano sa mga nanakit sa kaniya si Michelle.
“Pinatayo ako niya tapos sinikmuraan ako tapos sabi niya, ‘akin na, para matapos na 'yung usapan natin ngayon.’ Sabi ko ‘ma’am wala po sa ‘kin.’ Pagsabi ko wala, titirahin na naman niya ako,” patuloy niya.
“Binugahan niya ako ng alcohol buong katawan ko, pati mata ko. Tapos hinawakan niya dito tinusok mata ko ng dalawang daliri niya," sabi pa ni Totoy.
Maging si Rhian ay nanakit din umano sa kaniya.
“Sinapak po niya ako dito. Nakainom siya eh, tapos binatukan niya ‘ko dito, ‘di ko mabilang ilang beses,” ani Totoy.
Iginiit ni Totoy na wala sa kaniya ang mga larawan na hinahanap ng mga aktres. May pagkakataon din umano na nadinig niya ang pag-uusap ng mga bodyguard.
“May narinig ako na tatapusin na nila ‘ko. Tatapusin na buhay ko,” ani Totoy.
Para makatakas, tumalon umano si Totoy mula sa 39th floor ng condo patungo sa 25th floor, at nakahawak sa tali. Nakabukas umano ang naturang kuwarto kaya siya nakapasok.
Pero sa ibaba ng condominium, nakaabang daw sa kaniya ang mga bodyguard ni Michelle, at ibinalik siyang muli sa kuwarto.
"Sakto po pagbaba ko, mayroon na po nakaabang dun 'yung OIC tapos 'yung bodyguard niya. Dinampot ulit ako tapos inakyat ako sa taas ulit," kuwento ni Totoy.
Ayon sa ulat ng 24 Oras, dinala ni Michelle si Totoy sa isang police station noong January 19 at inireklamo ng qualified theft.
Habang nakadetine, nakaranas na naman umano siya ng pananakit mula sa mga pulis.
“Sabi sa 'kin buka mo ‘yung kamay mo, ginanyan ko ‘yung kamay ko, hinampas niya bigla ‘yung parang sa arnis, ‘yung sa kawayan,” ani Totoy. “Bigla ‘to sir namula, lumabas agad ‘yung dugo.”
“Tapos paglabas ‘yung isa naman medyo mataba na mababa na pulis, pagpasok niya, naka-tsinelas lang kasi ako, inapakan niya ang paa ko, dinidiin niya," patuloy niya.
Noong January 22, nakalaya si Totoy mula sa police station matapos na ibasura ng Makati Prosecutor’s Office ang reklamong isinampa laban sa kaniya.
Ayon kay VACC President Boy Evangelista, mabigat ang ginawa kay Totoy na idinetine ng tatlong araw at sinaktan.
Sinabi ni NBI Director Atty. Lito Magno, itutuloy nila ang pagsasampa ng reklamo kung may sapat na katibayan laban sa mga inaakusahan ni Totoy.
“Kung ang ebidensya ay nagbibigay para sampahan ng isang kaso itong mga nasa likod ng krimen na kanyang binabanggit, ay gagawin natin," pahayag ng opisyal.
Samantala, sinabi ng abogado nina Rhian at Michelle na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, na maglalabas sila ng pahayag kapag nakakuha na sila ng kopya ng reklamo.
"As of the moment, we do not have the copy of the complaint yet. So we will have to get a copy of the complaint first before we can answer all the allegations against our client," ani Abraham-Garduque sa phone interview na inilabas sa "24 Oras."
"The last incident that he had with the driver of Rhian is during that time na nag-file siya ng qualified theft. There were medical certificates before the arrest, and meron din namang mugshots," dagdag niya.
Sa full statement ni Abraham-Garduque na ipinadala sa GMA Integrated News, itinanggi rin niya ang illegal detention na sinasabi ni "Totoy."
"As far as our client is concerned, there is no incident of illegal detention happened as (he) was a resident of the condo, being the driver of Rhian," anang abogado.
“The last incident of our clients with (he) was when Michelle Dee filed a criminal case for qualified theft against him, which he admitted and he even returned some of the items to Michelle. Thus, our clients cannot think of any reason for initiating this complaint but a leverage and vindictive suit to said qualified theft case," dagdag niya.
Sa ulat ng 24 Oras, isinama ni Totoy sa reklamo ang beauty queen na si Samantha Panlilio, na kabila din umano sa nananakit sa kaniya.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makunan ng pahayag si Panlilio tungkol sa naturang usapin.—Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
