Sa kaniyang guesting sa “Your Honor,” tinanong ng mga host ng programa ang kilalang psychic na si Rudy Baldwin kung nahuhulaan rin ba niya ang mga numerong tatama sa lotto.

Ipinaliwanag muna ni Rudy sa mga host na si Chariz Solomon at Buboy Villar na may pagkakaiba ang manghuhula sa isang “visionary.”

“‘Yung manghuhula at visionary, magkaiba talaga 'yun. 'Yung hula is things na puwedeng mangyari, puwedeng hindi. Ang vision kasi is nakikita mo 'yun na mangyayari. Hindi nga lang alam kung kailan pero mangyayari,” paliwanag niya.

Ayon kay Rudy, isang halimbawa ng visionary ay si Noah sa kuwento ng Biblia, na nakita na magkakaroon ng baha.

“So 'yung manghuhula kasi is puwedeng mangyari, puwedeng hindi,” patuloy niya.

Sa kabila ng kaniyang pagiging manghuhula, ilan sa mga kliyente ni Rudy ay naka-jackpot na umano sa lotto.

“Nanalo talaga sila, may jackpot talaga,” sabi niya.

“Every client na makaharap ko, to be honest, hindi porke client kita, kausap mo ako, expected mo meron kang numero. Pili lang talaga 'yun. Out of 1,000, very lucky kung aabot ka ng five person na magkaroon. Pero nanalo po talaga sila,” dagdag ni Rudy.

Bagama’t nahuhulaan ni Rudy ang mga numero, hindi naman niya masasabi kung kailan mangyayari ang pagkapanalo ng kliyente.

“It takes lang maybe few months. ‘Yung isa naman, umabot talaga siya, pinagtiyagaan talaga niya 'yung one and a half year. Pinanindigan talaga niya ‘yung binigay ko sa kaniya pero tumama siya,” sabi pa ni Rudy.

Kahit na nahuhulaan niya ang mga numero ng mga kliyente, bawal niya itong kopyahin para siya na lang ang manalo. Ayon sa kaniya, hindi siya ang itinakdang makakuha ng winning numbers pero ang kaniyang mga kliyente.

“Alam ko talaga mananalo. Paano ko nalaman na mananalo? Kasi 'yung binibigay ko sa kanila, nilista ko ‘yan pero bawal ko ‘yan kopyahin. Bawal talaga 'yun. Hindi siya tumatama kasi hindi para sa akin eh,” sabi ni Rudy.

Pero tumataya rin ba siya sa lotto?

“Before, bago ako mag social media,” sabi ni Rudy. “Talagang tumama ako du’n. Almost every day, five numbers. Tapos tatawa na lang ako sa lotto. Sabi niya, ‘Andito na naman 'yung anak ng Diyos. Araw-araw na lang.’”

“Nahihiya ako ‘pag sasabihan ako, ‘Ano ba, ikaw na lang ba 'yung anak ng Diyos?’ Para bang araw-araw ka na lang nagwi-withdraw?’”

Ayon kay Rudy, naka-jackpot na rin siya noon ng isang P25 milyon, pero may taong nakaisa sa kaniya dahil hindi niya pinirmahan ang tiket..

“Una, naaagaw sa akin 'yung P25M,” kuwento niya. “Nakuha niya 'yung ticket. Pinirmahan niya sa pangalan niya. So hindi na ako nakipag-argue. Kasi napirmahan na sa pangalan niya eh. Pero siyempre, doon 'yung panghihinayang.”

Nanalo rin umano siya noon sa 6/45 ng P49 milyon.

“Siguro 'yung makapanood ng show niyo ngayon, baka sabihin ‘Ang tanga-tanga mo naman.’ Mga basher, gano’n talaga 'yung comment nila. Pero, hindi kasi natin ma-predict in every moment ng movement natin para malaman natin 'yung galawan,” saad niya.

Pero ayon kay Rudy, hindi umano ibinigay sa kaniya ang tiket.

“So, 'yung ticket, very confident ako na walang kukuha nu’n. Pero 'yung ticket talaga, 'yung P49M talaga, hindi talaga binigay sa akin. So, hindi na rin ako naghabol.” – FRJ GMA Integrated News