Masayang binalikan ni Sunshine Garcia ang kaniyang karanasan nang magkamali siya sa paggamit ng salitang “bullseye” imbes na “eyeball” tungkol sa pakikipagkita sa ka-date, kasama ang kaibigang si Mia Pangyarihan.
Sa guesting nila ni Mia sa vlog na “Your Honor,” masayang ikinuwento ni Sunshine ang ilang karanasan niya sa pakikipag-date noon, kabilang ang isang dayuhan.
“‘Di ba kapag single ka, may makikipag-date sa 'yo. Eh ‘yung makikipag-date sa'kin, taga-Alabang. Ngayon, sabi ko sa kaniya [Mia], ayokong makipag-date nang walang kasama. Hindi namin ginagawa 'yun eh, 'yung ikaw lang mag-isa, aalis. Lagi kami may kasama,” sabi niya.
“So kasama ko siya (Mia), nu’ng sinabi ko sa kaniya, ‘Uy makikipag-bullseye ako.’ ‘Anong bullseye?’ Sabi ko 'yung makikipag-date ka,” pagpapatuloy ni Sunshine.
Si Mia naman, sinabing nagalit pa si Sunshine na hindi niya alam ang ibig sabihin nito.
“Nasa coffee shop kami, galit pa siya sa'kin. Sabi, ‘Ito naman, bullseye, ‘di mo alam?’ Kasalanan ko?” natatawang sabi ni Mia.
Hanggang sa itinama na ni Mia si Sunshine na salitang “eyeball” ang tinutukoy nito, at hindi bullseye.
“Tapos siyempre nag-loading siya (nagdrawing ng kilos ng naglo-loading sa screen). Google. ‘Ay oo, eyeball,’” patuloy ni Mia nang mapagtanto ni Sunshine ang pagkakamali.
Sa kabila nito, natuloy pa rin ang date ni Sunshine pero tila hindi niya natipuhan ang lalaki dahil sa suot nito.
“Ito na, makikipagkita na, pagtingin ko, ay, naka-turtleneck. Sabi ko talaga, ‘Tara na, walang leeg,’” sabi ni Sunshine, na kasamang nakita ang mga tao sa studio.
Hirit naman ni Mia sa kaibigan, “Hayop ka, walang leeg. Nag-turtleneck ‘yung ide-date mo. Umuwi na tayo ‘day. Sayang ang bayad sa taxi dito, hayop ka.”
Nagpasiya silang umuwi na lang.
“Wala, inuwian namin talaga,” sabi ni Sunshine.
Ikinuwento rin ni Sunshine ang pagiging tahimik niya at kinailangan niyang uminom ng alak para makausap ang isa pa niyang naka-date na foreigner.
“Kunwari, may isang nanligaw sa akin, foreigner, talagang English. ‘Pag nasa bar kami, kunwari, hindi ko kinakausap, hinahayaan ko sila makipag-usap. ‘Kausapin mo naman, kausapin mo.’ Hindi ko talaga kinakausap,” saad niya.
Sa halip na kausapin ang ka-date humingi muna raw si Sunshine para malasing.
“Nu’ng lasing na ako, saka ko kinausap. Ang reason ko, mali man ako, okay lang ‘yun kasi lasing na ako,” sabi niya, na muling nagpatawa sa studio.
Ngpapaturo rin umano si Sunshine ng English sa kaibigan kapag may kausap siyang foreigner sa telepono.
“Sabi niya nga sa akin (foreigner), ‘Bakit ‘pag sa phone, kausap kita. Okay ka naman, nag-i-English ka.’ Hindi niya alam kasi, naka-loudspeaker siya. Tapos ‘yung isang kaibigan, binubulong sa akin. ‘Okay, okay. I'll see you later. Oh, you be careful, okay?’
“Pero nu’ng harap-harapan na, nakaagano'n talaga ako (tahimik lang). Hindi ako nagsasalita,” sabi pa ni Sunshine. Panoorin ang nakatutuwang episode ng “Your, Honor.” – FRJ GMA Integrated News
