Sa halip na pag-aksayahan ng panahon, sinabi ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025 Best Actress na si Krystel Go na hindi na niya pinapansin ang mga ibinabatong masasakit na salita sa kaniya ng ilang tao.
Sa panayam sa kaniya sa podcast na “I-Listen with Kara David,” tinanong si Krystel kung ano ang kaniyang itinutugon kapag naririnig ang mga salitang “mongoloid,” “retarded” mula sa mga basher.
“God bless you na lang po,” sabi ni Krystel.
“Never akong lumalaban sa ganu’n. Walang mangyayari. Walang mangyayari sa work sa akin,” pagpapatuloy niya.
Ayon kay Krystel, hindi pa siya nakaririnig ng mga ganoong salita. Pero ayon sa kaniyang inang si Amy, hindi ito pinapansin ng kaniyang anak.
Tinanong din si Amy kung ano ang reaksyon niya kapag nakakarinig ng mga ganoong salita tungkol sa kaniyang anak.
“Masakit. Kasi siyempre meron naman talagang tawag sa kanila na dapat nilang gamitin. Pero ‘yun nga, kagaya ng sinasabi niya, na ‘God bless you’ na lang. Minsan masarap sabihin na, ‘Alam mo naman may karma tayo. Sana huwag dumating sa inyo ‘yun.’ Pero pangit, kaya huwag na lang. Yung ‘God bless you’ na lang,” saad niya.
Binalikan din ni Krystel nang tawagin ang kaniyang pangalan bilang “Best Actress in a Leading Role” para sa pelikulang “I’m Perfect” sa MMFF Gabi ng Parangal noong nakaraang taon.
“I was so happy. I did not expect it. Nilamig ‘yung kamay ko noon,” sabi niya. “Dahil sa ang dami kong dinasal, ayun na. Noong tinawag ako, worth it ‘yung dasal ko,” sabi niya.
Inilahad ni Krystel na pangarap talaga niyang maging artista kahit noong bata pa lang.
“Gusto ko na talaga noong bata pa ako. And then, artist and to be a model,” saad niya.
Todo-suporta naman si Mommy Amy sa kaniyang anak.
“Sinusuportahan lang namin. Kasi kung kaya naman niya, bakit [hindi]? Basta kailangan lang talaga ng suporta. Tapos makikita mo naman sa kaniya kasi bata pa siya, ang kikay-kikay na niya,” sabi ni Mommy Amy.
“Madalas siyang nasa CR. Sabi ko, ‘Ba't ka umiiyak?’ Wala, acting-acting lang daw iyon,” kuwento pa ni Mommy Amy.
Kaya naman nang mabigyan ng pagkakataong gumanap sa I’m Perfect, enjoy lang sa pag-arte si Krystel.
“‘Yung pagod at kabado, wala akong naramdaman na gano’n. Masaya lang tsaka enjoyment,” sabi ni Krystel. – FRJ GMA Integrated News
