Ipinamalas ng isang mister ang wagas na pagmamahal sa kaniyang maysakit na misis nang lakas-loob niyang “isangla” ang kaniyang driver’s license sa isang botika sa Imus, Cavite para makabili ng gamot na kailangan ng kaniyang kabiyak. Ang tanong, tanggapin naman kaya sa botika ang lisensiya niya dahil wala pa siyang pera na pambayad sa gamot? Alamin.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing mabagal noon ang benta sa botika ng pharmacist na si Jim Soriano, nang isang lalaking customer ang pumasok sa tindahan.

Antibiotics at painkiller ang nasa dalang reseta ng lalaki, na para umano sa asawa niyang naaksidente.

Ngunit si Jim, natigilan sa sinabi ng lalaking customer dahil inialok nito na iwan na muna ang kaniyang driver’s license dahil wala pa siyang sahod noon at hindi niya mababayaran ang mga gamot.

Gayunman, kailangan na ng kaniyang asawa na uminom ng mga gamot.

“Actually, hindi pa niya [agad] sinabi. Siguro kumuha pa siya ng lakas ng loob. Nu’ng pagkuha ko ng gamot, nu’ng pag-prepare ko, du’n pa niya sinabi sa akin na kung puwede, iwan niya lang daw muna ‘yung I.D. niya,” sabi ni Jim.

Kahit na walang masyadong benta noong araw na iyon, pumayag naman si Jim na tulungan ang mister.

Makaraan lamang ang ilang oras, nag-viral sa social media ang video, at marami ang nagmensahe kay Jim para maghatid ng tulong sa lalaki, na kinilalang si Moises Labrador.

Maliban sa mga gamot, may mga nagpadala pa ng perang pambili ng groceries at iba pang pangangailangan ni Moises.

“Good for 7 days kasi ‘yung antibiotic. Good for 2 days lang ‘yung kinuha niya. Pinrepare ko na ‘yung mga gamot, pinadalhan ko na rin ng vitamins at saka ‘yung sa maintenance niya para pagbalik niya, iaabot ko na lang, naka-ready na siya,” sabi ni Jim.

Pagbalik ni Tatay Moises kinabukasan, kasama na niya ang naaksidenteng misis na si Jessica.

Doon na sinabi ni Jim sa mag-asawa ang tungkol sa ginawang bayanihan ng netizens upang maihatid ang simpleng tulong sa kanila.

Ayon kay Jim, natusok ng basag na bote si Jessica.

Naisugod sa pagamutan si Jessica ngunit kinapos sila ng pambili ng mga gamot.

Nang makiusap daw sa kaniya noon si Moises, naalala ni Jim ang kaniyang mga magulang.

Lalong napukaw ang kaniyang puso nang ibigay ni Moises ang kaniyang lisensiya, gayong pagmamaneho ang ikinabubuhay nito.

“Actually hindi siya pumasok sa araw na ‘yun kasi inasikaso niya ‘yung asawa niya. Pero ilang beses ko sinabi na hindi ko tatanggapin ‘yung ID niya pero pinilit niya na, ‘Hindi, iiwan ko na lang talaga,’” sabi ni Jim.

Pebrero 14 pa ito nangyari, kung saan naipakita ni Moises ang dalisay niyang pag-ibig sa kaniyang kabiyak na si Jessica. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News