Naghain ng reklamo nitong Martes ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa vlogger na si “Sir Jack” sa Department of Justice (DOJ). Kaugnay ito sa umano’y pagpapakalat ng vlogger ng pekeng medical certificate tungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa NBI, mga reklamong cyberlibel at unlawful publication o ilegal na paglalathala ang inihain laban kay Jack Argota.

Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online kay Argota para sa kaniyang panig at ilalathala ito sa sandaling makuha.

Nauna nang humarap si Argota sa tanggapan ng NBI bilang pagsunod sa isang subpoena. Nagsumite rin siya ng pahayag kaugnay ng mga alegasyon.

Noong Enero, kumalat sa social media ang isang dokumento tungkol sa umano’y kalagayan ng kalusugan ng Pangulo, na inilarawan ng Malacañang bilang “fabricated and malicious.”

Sumunod ang isyu matapos ang naunang pagpapatingin ni Marcos sa St. Luke’s Medical Center dahil sa diverticulitis, isang pamamaga ng pouchs sa malaking bituka.

Nauna ring naghain ang NBI ng reklamong cyberlibel laban sa dating broadcaster na si Jay Sonza at social media personality na si Eric Celiz kaugnay ng insidente.— Joahna Lei Casilao GMA Integrated News