Napaatras sa labis na pagkagulat ang isang sanitation worker sa Ohio, USA nang makita niya na may buhay na tao na nagtatago sa isang basurahan o trash bin na ilalagay na sana niya sa truck.
Sa video na ipinost ng Huber Heights Police Department sa kanilang Facebook account, makikita sa dashcam na ipinuwesto na ng sanitation worker ang trash bin sa likod ng truck para itapon sana ang laman nito na dapat sana'y mga basura.
Pero pag-angat niya ng takip ng trash bin, nagulantang at napaatras ang basurero dahil may tao pala sa loob.
Makikita na sumenyas ang sanitation worker na itinuturo ang tao na nasa loob ng basurahan.
Bago pala ang insidente, pinara ng mga pulis ang isang suspek na tinawag nilang si “Oscar the Grouch” pero nakaalpas ito sa sasakyan at tumakbo hanggang sa mawala na sa paningin ng mga pulis.
“Earlier today, Officer Tyree initiated a traffic stop. Upon stopping the vehicle, the driver fled on foot. The Officer briefly lost sight of the suspect and quickly established a perimeter in the area,” caption ng Huber Heights Police sa video post.
Kaagad naman ginalugad nila ang lugar hanggang sa matiyempuhan ng basurero ang suspek na nagtago sa isang basurahan.
Bagaman muling nakatakbo ang suspek, sinabi ng Huber Heights Police na ligtas naman itong nahuli ng kanilang tauhan.
“As luck would have it, “Oscar the Grouch” — as we’ve nicknamed our suspect — appeared at just the right place and the right time. Thanks to the impressive athletic ability and swift response of our very own Officer Perez, the suspect was safely apprehended. The suspect was taken into custody without injury to anyone involved,” ayon pa sa post.
-- FRJ GMA Integrated News

