Nagpaabot ng kaniyang madamdaming mensahe si Michael Navarro kay Sofia Trazona, ang trans child nila ng dating SexBomb Girls member na si Izzy Trazona. Labis naman ang pasasalamat ni Sofia sa ama na tinanggap siya ng “buong-buo.”

Sa guesting ni Sofia sa “Fast Talk With Boy Abunda” kamakailan, ipinaabot ni Tito Boy ang sulat ni Michael, at binasa ni Sofia:

“Dear Sofia,
 

Gusto ko sanang ipaalam sa'yo na maligaya ako sa kalagayan mo ngayon dahil alam ko na masayang masaya ka. Gusto ko lang ipaalaala sa'yo na huwag makakalimot sa mga taong nagmamahal at nagbigay importansya sa'yo. Palaging isipin at gawin ang mababang kalooban sa lahat ng pagkakataon. Hindi ko pinagsisihan na naging anak kita. Kung sakaling darating ang panahon na magiging bakla din ang kapatid mo ay huwag ka mag-alala, ibibili ko rin siya ng make up with high heels. Patuloy akong magiging number 1 fan mo. Hindi man ako nakakasama sa mga shows mo, palagi akong pumapalakpak sa mga achievements mo. Whatever happens, ikaw si Andre este Sofia na dalaga na ngayon ang mamahalin ko. Salamat anak sa lahat.
 

God Bless
 

Michael Navarro

Sa isa namang video, inilahad ni Sofia ang pasasalamat niya sa ama.

“‘Yung letter, I got it kay Papa. Maraming maraming salamat, Papa. Dahil hindi mo ‘ko iniwan. Tinanggap mo ‘ko nang buong buo. Hindi mo ako pinabayaan,” sabi ni Sofia.

Patuloy niya, “Lagi mo akong sinasalo. Alam na alam mo na ‘to. Lagi kong sinasabi sa'yo. Maraming maraming salamat sa lahat. And, magkikita tayo. Dahil magmi-meet ulit tayo. Uuwi akong Quezon.”

Sa kaniyang Facebook nitong Miyerkoles, ibinahagi ni Sofia ang bonding nilang ama na si Michael.

“I love you father dear!!” sabi ni Sofia.

Sa isa namang Facebook Reel, ibinahagi ni Sofia ang kaniyang pasasalamat sa pagmamahal at suportang kaniyang natatanggap sa gitna ng mga diskusyon online tungol sa kaniya.

“Katatapos ko lang umiyak. I just wanna share na maraming maraming salamat 'cause I’m still so overwhelmed with whatever is happening in my life, but I’m thankful for the support, for everything at sa lahat ng pagmamahal niyo na sinesend niyo para sa akin. Maraming maraming salamat po,” sabi niya.

Dagdag ni Sofia, hindi niya inasahang mangyayari ito sa kaniya, at nasa proseso pa siya ng healing sa lahat.

“Na-overwhelm lang po ako kaya ako naiiyak nang sobra. Hindi ko din kasi ini-expect ito sa life ko. I’m still healing, I’m still in the process of feeling everything pero you know kailangan natin maging strong. Kailangan natin maging strong out there and I’m just happy right now. Sobrang maraming maraming salamat po. I’m grateful and I will send all my love to you guys. Maraming maraming salamat sa inyong lahat,” dagdag niya.

Ayon kay Sofia, niyayakap nang buo ng kaniyang ama ang kaniyang pagkatao bilang isang transgender, at nagpapasalamat siya sa suporta nito.

Naging usap-usapan sina Sofia at Izzy online dahil sa mga pahayag ng kaniyang stepdad na si Alvin Aragon laban sa kaniyang pagiging trans.

--FRJ, GMA Integrated News