Nailigtas muna ng Pinay caregiver sa Israel ang kaniyang amo bago siya nasawi matapos ang ginawang missile attack ng Iran bilang ganti laban sa Israel.
Sa panayam ni GMA Integrated News reporter JP Soriano kay Ambassador Aileen Mendiola-Rau, ng Philippine Embassy sa Tel Aviv sa Israel, sinabi ng opisyal na nabagsakan ng debris si Mary Ann Velasquez de Vera, nang tamaan ng bomba ang kanilang tinitirhan apartment sa Tel Aviv.
Ayon kay Mendiola-Rau, batay sa mga pahayag ng mga first responder at lumabas na mga ulat, nadala ni De Vera sa ligtas na lugar ang kaniyang employer pero siya nadaganan ng mga debris.
Nang makita ng mga rescuer si De Vera at maialis sa guho, may pulso pa umano ang Pinay pero hindi rin nagtagal ay binawian din ng buhay.
Ayon din kay Mendiola-Rau, patuloy ang survey ng embahada para malaman ang mga kailangan ng mga Pilipino sa Israel.
Sa ngayon, mayroon umanong 22 Pinoy ang nagpahayag ng kagustuhan na umuwi muna ng bansa. Mayroon din mga Pinoy pilgrim tourist ang stranded na kanilang tutulungan.
Gayunman, sarado pa umano ang airspace sa Israel at maging sa kalapit na bansa na Jordan kaya hindi pa maaaring isagawa ang repatriation operation.
Sa ngayon, ang Egypt umano ang nakikita ng embahada na gamiting departure point ng mga Pinoy na iuuwi sa Pilipinas.
Nitong Linggo nang ianunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na si De Vera ang unang Pilipino na nasawi sa nagaganap na kaguluhan sa Middle East.
“Siya po ay isang caregiver sa Israel na tinutulungan ang kaniyang alaga para dalhin sa bomb shelter ngunit hindi na po nakaabot sa bomb shelter at inabutan na sila bago sila nakarating,” sabi sa video message ni Marcos patungkol kay De Vera, 32-anyos, na tubong Pangasinan.
“Siya ay namatay dahil tinamaan ng shrapnel ng mga bumagsak na bomba. Na-identify na po siya ng kanyang asawa na isang OFW din na nagtatrabaho sa Israel,” dagdag ng pangulo.
Lumala ang kaguluhan sa Middle East nitong weekend nang atakihin ng Amerika at Israel ang Iran dahil sa umano’y pagpapatuloy ng huli ng kanilang nuclear arms program.
Bilang ganti ng Iran, inatake nito ang mga base militar ng US na nasa ilang bansa sa Middle East.
Sa mga Pinoy na kailangan ng tulong, maaaring makipag-ugnayan sa OWWA emergency hotlines: Metro Manila — 1348; Regional — 02-1348; via Viber — +63-915-079-5005 (Globe) +63-969-169-7068 (Smart) +63-966-473-9543 (Globe).—FRJ GMA Integrated News

