Batay sa unang tatlong araw ng kalakalan ngayong linggo, inaasahan ng oil industry sources na tataas ng P7.09 kada litro ang gasolina at P15.33 kada litro ang diesel sa susunod na linggo, ayon sa ulat ng GTV News sa “Balitanghali” ngayong Biyernes.

Karaniwang inaanunsyo ang opisyal na pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo tuwing Lunes at ipinatutupad sa susunod na araw ng Martes.

Sinabi ng Department of Energy (DOE) noong Miyerkules na maaari pang tumaas ang presyo ng gasolina at diesel dahil sa mga nangyayari sa Middle Est gaya ng posibleng pagsasara ng Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta sa pagpapadala ng langis sa buong mundo.

Ayon sa kagawaran, hihilingin nila sa mga kumpanya ng langis na paunti-unting ipatupad ang pagtaas ng presyo simula sa susunod na linggo.

Nitong nakaraang Martes, tumaas ng P1.90 per liter ang gasolina, P1.20 per liter sa diesel, at P1.50 per liter sa kerosene.

Plano ng pamahalaan na magbigay ng subsidiya para sa mga operator ng pampublikong transportasyon, magsasaka, at mangingisda, at mag-alok ng libreng sakay sa bus upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo.

Nauna ring sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinag-aaralan niya ang pansamantalang pagbawas o pagsuspinde sa excise tax sa langis upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo.

Wala pang inilalabas na pagtataya ang Department of Finance (DOF) tungkol sa posibleng mawawalang kita sa pamahalaan dahil sa buwis. —Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ GMA Integrated News