Kinaaliwan ng netizens ang kuwento ng isang estudyante na ginabi ng uwi, at ang tatay pala niya ang nai-book niyang motorcycle taxi rider sa Maynila. Nagbayad pa kaya siya? Alamin.

Sa ulat ng GMA Public Affairs, ikinuwento ng YouScooper na si Dhenver Perez, na kumuha siya ng entrance exam sa isang unibersidad sa Maynila at ginabi na.

Dahil dito, naisipan niyang mag-book na lang ng motorcycle taxi para makauwi.

Ang hindi niya inaasahan, ang kaniyang tatay pala ang rider na nag-accept ng kaniyang booking.

“Coincidentally, ang rider na na-assign po sa akin was my father, who was on duty at that time. In-accept naman niya po ‘yung booking ko, and sabay na po kaming umuwi sa bahay,” kuwento ni Dhenver.

Tinanong si Dhenver kung nagbayad pa ba siya sa kaniyang ama.

“Kiss lang po bayad hehehe,” tugon niya sa GMA Integrated News.

Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News