Naglabas ng show cause order ang Department of Energy laban sa 54 gas stations dahil sa pagtataas umano nn presyo ng kanilang mga produktong petrolyo sa gitna ng kaguluhan sa Middle East. Pero paglilinaw ni Energy Secretary Sharon Garin, hindi sila maaaring magdikta pagdating sa presyo ng naturang mga produkto dahil sa Republic Act 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998. Ano nga ba ang nilalaman ng batas na ito? Alamin.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing binigyan ng 24 oras ang mga gas station upang ipaliwanag sa DOE ang kanilang pagtataas umano ng presyo nang mas maaga sa itinakdang adjustment nitong Marso 10, na napagkasunduan umano ng mga oil firm.

Gayunman, may ginawang paglilinaw si Garin tungkol sa batas tungkol dito.

“You have to remember though that the price is not regulated by DOE. It’s because of the Oil Deregulation Law. We do not dictate the companies in what price they will charge the public. What we can do is monitor and have them explain why their prices are like that,” sabi ni Garin.

Batay sa Republic Act 8479 o Oil Deregulation Law, may kalayaan ang mga oil company na itakda ang presyo ng gasolina at diesel, mag-adjust ng presyo kada linggo at magdesisyon base sa global oil prices at costs.

Nilalayon ng batas na maging competitive ang merkado at maiwasan ang monopolyo sa industriya.

Gayunman, may responsibilidad pa rin ang DOE sa ilalim ng batas na ito, kasama ang pagsubaybay sa proseso ng pagre-refine at paggawa ng petroleum products at bantayan ang supply ng petrolyo sa bansa.

Dapat na iulat sa DOE sa Philippine Competition Commission ang anumang hindi makatuwirang pagtaas ng presyo ng petrolyo at magsagawa ng kaukulang hakbang kung may paglabag.

Sinabi pa ng DOE na hindi muna dapat na nagtataas ng presyo ang mga oil company dahil may sapat pa umano silang supply.

“Kasi may stock naman ang mga gas station. Actually, ang presyo, bakit magmahal siya? Kasi mahal 'yung replacement cost niya. Pero hindi pa naman sila bumibili last week. So, this week po ang magiging mahal,” sabi ni Garin.

Gayunman, sinabi ni Garin na may mga gasolinahan na umano na nag-hoard o ayaw nang magbenta ng gas at naghihintay ng akyat-presyo sa mga susunod na linggo.

“Ang masama is may mga nagho-hoard o may ibang gasolinahan na naghihintay ng akyat at ayaw magbenta. So 'yan po 'yung mga kakasuhan po natin at ipapasara po ng DOE. Hindi na makatarungan 'yung ginagawa nila, perhuwisyo sa bayan naman o sa mga kababayan natin,” sabi pa ni Garin.

Matatandaang pumayag naman ang mga higanteng oil firm sa staggered price adjustment mula Marso 10 ng nasa P17 hanggang P24 sa diesel, P7 hanggang P13 sa gasolina, at P32 hanggang P38.50 naman sa kerosene.

Inilunsad na rin ng DOE ang isang online portal kung saan maaaring i-report ng mga consumer ang mga gasoline station na pinagsususpetsahan nilang lumalabag sa fuel pricing rules o may supply shortage sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Maaring isumite ng publiko ang kanilang concern sa pagpunta sa "eReport" tab sa eGov application.

Pindutin ang "Gas Station Concerns" option, i-fill out ang mga kinakailangang detalye at sabihin kung kasalukuyang nangyayari o dati pa ang isyu.

Upang makatipid naman sa energy at mabawasan ang fuel consumption, ilang ahensiya na ng pamahalaan at local government units ang nagpatupad ng 4-day work week.

Inaprubahan naman ng House ways and means committee nitong Martes ang isang substitute bill na pinapayagan si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na suspindihin o bawasan ang excise tax sa gasolina sa gitna ng alitan ng mga puwersa ng US-Israel at Iran.

Espesipikong pinahihintulutan ng panukalang batas ang Pangulo na bawasan ang excise tax sa mga produktong gasolina sa loob ng anim na buwan sa maximum nito, sa kondisyon na lalampas ang average na presyo ng krudo sa Dubai sa US$80 kada bariles sa loob ng isang buwan bago ang suspensiyon o pagbawas ng excise tax.

Gayundin, isinasaad sa panukalang batas na may karagdagang awtoridad ang Pangulo hanggang Disyembre 31, 2028 lamang. Gayunman, ang magkakaroon ng epekto sa kita ng gobyerno kung babawasan o sususpindehin ang buwis sa mga produktong petrolyo. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News