Kinasuhan sa Sweden ang isang mister na hinihinalang sinamantala ang kahinaan ng kaniyang misis na lulong sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pagpayag nito na ipasiping sa nasa 120 lalaki ang biktima kapalit ng pera. Ang mister pa daw mismo ang nagbibigay ng ilegal na droga sa kaniyang asawa.
Sa ulat ng Agence France Presse, sinabing kinasuhan ng prosekusyon ang 62-anyos na mister ng aggravated pimping, ilang kaso ng panggagahasa, at pananakit.
Ikinagulat umano ng Sweden ang naturang pangyayari sa misis, at inihambing sa kaso ng Frenchwoman na si Gisele Pelicot, na kinasuhan din ang asawa na si Dominique Pelicot, at hinatulang makulong ng 20 taong noong 2024. Ito ay matapos umamin ang mister na paulit-ulit niyang nilalagyan ng droga ang kaniyang misis noon at inimbitahan ang dose-dosenang lalaki para halayin ang kaniyang kabiyak habang walang malay.
Inaresto ang mister na suspek noong Oktubre at patuloy na nakadetine, matapos magsumbong sa pulis ang misis sa northern Sweden.
Batay sa kaso, matagal nang pinagkakakitaan ng suspek ang kaniyang misis sa pamamagitan ng pagpilit sa biktima na "to perform and submit to sexual acts".
Inakusahan din ang lalaki na gumawa ng mga online advertisement, nakikipagpulong, at pinipilit ang babae na gumawa ng sexual acts online para makakuha ng mas marami pang kliyente. Gumamit din umano ito ng karahasan at pananakot, at sinamantala ang pagkalulong ng kaniyang misis sa ilegal na droga.
Tinawag ng prosekusyon ang ginagawa ng mister na "ruthless exploitation".
Sa batas ng Sweden tungkol sa prostitusyon, ipinagbabawal ang pagbili ng sex ngunit hindi ang pagbebenta nito. Gayunpaman, ilegal ang pagtulong para magbenta ng sex.
Bukod sa kasong aggravated pimping, sinampahan ng walong kaso ng panggagahasa ang mister, pero itinatanggi niya ang mga akusasyon.
Sinabi sa AFP ng prosekusyon na si Ida Annerstedt, na may pagkakataon umano na sumang-ayon ang babae “to sell sex.” Inilarawan niyang nasa “vulnerable position” ang biktima.
Sa ilang sitwasyon, tumutol umano ang babae sa pakikipagtalik sa ilang lalaki, o sa ilang sitwasyon.
"There are certain boundaries she has had. When he hasn't respected them, when he has steamrolled her after she has said 'no', those are the situations when he is charged with attempted rape, or rape," saad ni Annerstedt.
Nangyari umano ang insidente mula August 11, 2022, hanggang October 21, 2025.
Natukoy na rin umano ng mga awtoridad ang ilan sa 120 lalaki na kumuha ng sexual services. Ang 26 sa kanila, kinasuhan ng pababayad upang makipagtalik kaugnay sa kaso. Patuloy na iniimbestigahan ang iba pa.
Itinakda ang simula ng paglilitis ng korte sa April 13.—mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA News

