Inihayag ng Government Service Insurance System (GSIS) nitong Miyerkules na magbibigay ito ng binagong tatlong buwang moratorium sa pagbabayad ng loan ng mga miyembro nito habang nararanasan ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Sa isang Facebook post, sinabi ng GSIS na sa ilalim ng Balik Ginhawa Program, ibabalik nito ang katumbas ng tatlong buwang hulog sa loan nang direkta sa mga account ng mga aplikante upang agad nila itong magamit.

Saklaw nito ang panahon na mula Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026.

Hindi tulad ng tradisyunal na loan moratorium na pansamantalang tumitigil ang pagbabayad at unti-unting natatanggap ang benepisyo sa loob ng ilang buwan, sinabi ng GSIS na sa refund mechanism ng Balik Ginhawa Program, matatanggap ng mga miyembro ang kabuuang halaga ng hulog ng isang bagsakan. Magpapatuloy pa rin ang mga kaltas sa loan.

Ang mga miyembrong nais magamit ang programa ay maaaring mag-apply sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application. Kapag naaprubahan, pahahabain ang termino ng loan ng tatlong buwan nang walang karagdagang interes o multa.

Ayon sa GSIS, boluntaryo ang pag-apply sa programa.

Sinabi ni GSIS President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso, na ang programa ay idinisenyo upang magbigay ng agarang at mas makabuluhang tulong habang pinangangalagaan ang pangmatagalang kapakanan ng mga miyembro.

“Sa ganitong paraan, agad ninyo itong magagamit para sa inyong mga pangangailangan. Mananatili ang regular na salary deductions upang mapanatili ang kaayusan at katatagan ng GSIS, at upang patuloy na mapangalagaan ang kapakanan ng mga miyembro nito,” pahayag ni Veloso.

Ginawa ang programa matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang state of national energy emergency, at iniutos na ipatupad ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para sa mga apektadong sektor.— Giselle Ombay/FRJ GMA News