Tinatalakay umano ng U.S., Iran, at isang grupo ng regional mediators ang mga termino para sa posibleng 45-day ceasefire na maaaring maging daan sa permanenteng pagtatapos ng digmaan, ayon sa ulat ng Axios noong Linggo, Batay umano ang impormasyon sa apat na impormante mula sa US, Israel, at rehiyon na may kaalaman sa mga pag-uusap.
Hindi kaagad ma-verify ng Reuters ang ulat. Hindi naman kaagad tumugon ang White House at ang U.S. State Department nang hingan ng Reuters ng komento.
Ayon sa ulat, tinatalakay ng mga tagapamagitan ang mga termino sa two-phased deal, na ang unang bahagi ay para sa posibleng 45-araw na tigil-putukan hanggang sa pag-usapan ang permanenteng pagtatapos ng digmaan sa ikalawang bahagi.
Maaaring palawigin umano ang tigil-putukan kung kinakailangan ng karagdagang araw para sa pag-uusap, ayon pa sa ulat.
Sinabi ni US President Donald Trump sa Wall Street Journal noong Linggo na hanggang sa Martes ng gabi ang ibinigay niyang deadline sa Iran para na buksan ang Strait of Hormuz, at kung hindi ay aatakihin nito ang critical infrastructures ng naturang bansa.—ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News
