Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes na pinalawig niya ang deadline sa paghahain ng annual income tax returns (AITRs) hanggang sa Mayo 15, 2026. Paano nga ba mag-file ng Income Tax Return?
Maaaring hindi na mag-file ang mga indibiduwal na may purong compensation income kung kuwalipikado sila para sa substituted filing, kung saan ang mga employer na ang hahawak sa pagsusumite ng mga buwis para sa kanila.
Gayunman, kinakailangan ng mixed-income earners, self-employed individuals, freelancers, at may maraming employer na maghain ng kanilang sariling ITR.
BIR Form 1700 — para sa mga indibiduwal na kumikita ng purong compensation income
BIR Form 1701 — para sa mixed-income earners, self-employed o mga propesyunal na gumagamit ng graduated income tax rates
BIR Form 1701A — para sa mga indibiduwal o propesyonal na purong self-employed
BIR Form 1701-MS — para sa mga micro at small taxpayers na may gross sales na mas mababa sa ₱20 milyon
Para sa manual filing:
Bisitahin ang pinakamalapit na Authorized Agent Bank (AAB) ng inyong Revenue District Office (RDO).
I-download, punan, at i-print ang tatlong kopya ng BIR form.
Ipakita ang natapos na form at mga kinakailangang dokumento para sa pagbabayad
Kunin ang isang selyado at balidong kopya bilang patunay ng pag-file
Electronic filing:
I-access ang Electronic Filing and Payment System (eFPS) ng BIR
Piliin at kumpletuhin ang naaangkop na form
Magbayad sa pamamagitan ng e-wallets o online bank transfer
I-save ang isang kopya ng pinal na tax return
Inilunsad din ng BIR noong Marso ang Electronic Tax (eTax) Filing o Tax Assistance Center nito sa BIR National Training Center Auditorium para magbigay ng on-site na suporta para sa paghahanda at elektronikong paghahain ng mga ITR. – Jamil Santos/FRJ GMA News
