Unanimous o nagkakaisang bumoto ang mga kasapi ng House Committee on Justice ngayong Miyerkoles na may probable cause o basehan para i-impeach si Vice President Sara Duterte, batay sa dalawang impeachment complaints na inihain laban sa huli.

Ayon kay House justice panel chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, walang miyembro ng komite ang tumutol sa naging desisyon. May kabuuang 53 kongresista ang miyembro ng komite na dumalo at bumoto.

Nagawa ng komite ang desisyon matapos ang apat na pagdinig sa impeachment at natuklasan ang ang mga sumusunod:

  •   Ang salaysay ng detainee na si Ramil Madriaga tungkol sa pamamahagi ng P125 milyong confidential funds ng bise presidente sa loob ng 24 oras, gamit ang cash deliveries sa Laguna, Quezon City, at Office of the Ombudsman
  •  Ang pagpirma ni Madriaga ng bank waiver upang patunayang wala siyang itinatago
  •  Ang alegasyon ni Madriaga na maaaring pinondohan ng Pharmally ang election campaign ni VP Sara, na naiuugnay sa anomalya sa procurement ng gobyerno
  •  Ang pahayag ng Commission on Audit (COA) na pinagtibay ang notice of disallowance sa P73 milyong confidential fund noong 2022   
  •  Ang testimonya ng mga kinatawan ng NBI hinggil sa mga pirma sa acknowledgment receipts ng mga tumanggap ng confidential funds
  •   Ang kumpirmasyon ni COA lawyer Gloria Camora na naglabas din ang COA ng tatlong notice of disallowance sa tatlong release ng confidential funds para sa Office of the Vice President (OVP) noong 2023 na nagkakahalaga ng tig-P125 milyon o kabuuang P375 milyon
  •  Ang testimonya ng iba’t ibang resource persons tungkol sa mga “envelopes,” kuwestiyonableng resibo, at iba pang pahayag
  •  Ang testimonya ng Philippine Statistics Authority na ang mga tumanggap umano ng confidential funds—tulad nina Mary Grace Piattos Milky Secuya at Kokoy Villamin—ay walang tala sa civil registry ng bansa
  •  Ang hindi pagdedeklara ni Duterte ng anumang cash on hand o cash in bank sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth mula 2019 hanggang 2024
  •  Ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nag-flag ng P6.7 bilyong bank transactions ng bise presidente at kaniyang asawa na si Manases Carpio bilang covered at suspicious transactions mula 2006 hanggang 2025, na ang inflow ay P4.425 bilyon at ang outflow ay P1.55 bilyon
  •  Ang ulat ng AMLC na nagsasabing may derogatory record ang bise presidente at ang kaniyang asawa
  •  Ang ulat ng AMLC na nagsasabing pinaghinaan ang bise presidente sa 27 confidential reports mula Agosto 2, 2024 hanggang Enero 29, 2026 kaugnay ng suspetsang drug trafficking, graft and corruption, at malversation, na may kaugnayan sa pagdinig ng House Quad Committee sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Pati na rin ang mga ulat ng media tungkol sa umano’y pagkakasangkot ng kaniyang asawa sa P6.4 bilyong shabu importation noong 2017 at sa umano’y maling paggamit ng confidential funds
  •  Ang ulat ng AMLC na nagsasabing ang kaniyang asawa, si Atty. Carpio, ay naging paksa rin ng hinala sa 17 confidential reports mula Setyembre 14, 2017 hanggang Abril 25, 2025 kaugnay ng drug trafficking at malversation of public funds and property, “in connection with the news reports on alleged his involvement in the PP6.4 billion shabu importation in 2017 and news articles in relation to his wife, VP Sara’s, alleged misuse of confidential/intelligence funds”
  •  Ang kumpirmasyon ng AMLC na hindi bababa sa 18 bank transactions na may kaugnayan sa bise presidente at kaniyang pamilya, gaya ng binanggit sa affidavit ni dating senador Antonio Trillanes IV, ay tumutugma sa mga rekord ng covered at suspicious transaction reports
  •   Ang findings ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang video ng press conference kung saan nagbanta ang bise presidente na papatayin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang kaniyang pamilya sa ilang sitwasyon ay maaaring maituring na inciting to sedition at tatlong bilang ng grave threat, at iba pa.

"Hindi ito alegasyon lamang. Kung probable cause ang pag-uusapan, ito (mga ebidensiya) ay sobra-sobra pa," ayon kay House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima ong ML party-list, at dating kalihim ng Justice secretary.

"This [totality of revelations] is a red flag of the highest order," dagdag ni De Lima, na isa sa mga endorser ng dalawang impeachment complaints laban sa bise presidente.

Sinabi naman ni Luistro na sapat at masusing na ang apat na araw ng pagdinig, at tumanggi ang bise presidente na sagutin sa komite ang mga alegasyon sa kabila ng paulit-ulit na imbitasyon sa kaniya.

"We have provided so much due process already," ani Luistro bago ang botohan.

Inaakusahan sa dalawang impeachment complaint si VP Duterte ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution dahil sa umano’y maling paggamit ng kaniyang P612.5 milyon na confidential fund, at paggamit sa pondo para ipanuhol, at pagbabanta na ipapapatay si Pangulong Marcos, at First Lady Liza, at dating Speaker Martin Romualdez. Gayundin ang hangarin umano ng bise presidente na alisin sa puwesto ang pangulo.

Matapos nito, dadalhin na sa plenaryo ang impeachment complaint upang pagbotohan kung tatanggapin o tatanggihan ng mga mambabatas ang desisyon ng komite.

Kapat kinatigan sa plenaryo ang desisyon ng komite, ipadadala na ang reklamo laban kay Duterte sa Senado bilang Article of Impeachment. Ang mga senador ang lilitis, susuri at boboto kung may basehan ang reklamo laban sa pangalawang pangulo kung dapat siyang alisin sa posisyon.

Inaasahan na

Sa isang pahayag, sinabi ng kampo ng VP Duterte na inaasahan na nila ang naging desisyon ng House panel.

"The finding of probable cause by the House Committee on Justice was not unexpected, given the direction the proceedings had taken," ayon sa defense team.

"We respectfully maintain that the proceedings before the Committee departed from the constitutional design. Instead of confining itself to the verified complaints and their attachments, the process expanded into matters that properly belong to a full trial," dagdag nila. — Llanesca T. Panti/FRJ GMA News