Tatlong tao na sakay ng isang cruise ship sa Atlantic ang iniulat na nasawi matapos magkaroon ng outbreak ng isang “severe acute respiratory illness” sa barko. Ang isa sa mga nasawi, kumpirmadong nagpositibo sa “hantavirus.” Ano nga ang hantavirus at mga sintomas nito na siyang naging dahilan din ng pagkamatay ng asawa ng American actor na si Gene Hackman. Alamin.
Ayon sa World Health Organization (WHO), bukod sa mga nasawi, mayroon pang tatlong hinihinalang kaso ng hantavirus, saad sa ulat ng GMA News Feed.
“To date, one case of hantavirus infection has been laboratory confirmed, and there are five additional suspected cases,” saad ng WHO nitong May 3. “Of the six affected individuals, three have died and one is currently in intensive care in South Africa.”
Nitong nakaraang 2025, naging usap-usapan ang hantavirus matapos ang pagkamatay ng award-winning American actor na si Gene Hackman at ng kaniyang asawang si Betsy Arakawa. Natagpuan ang kanilang mga bangkay sa kanilang bahay sa Santa Fe, New Mexico.
Batay sa autopsy report, namatay si Hackman dahil sa sakit sa puso, habang si Arakawa ay nasawi dahil sa Hantavirus Pulmonary Syndrome (HPS).
Sa isinagawang pagsusuri sa kanilang bahay, natuklasan ng mga awtoridad na pinamumugaran ito ng mga daga.
Kabilang ang hantavirus sa mga pathogen na nagdudulot ng mga zoonotic disease o zoonoses, o mga sakit na nagmumula sa hayop na maaaring maipasa sa tao.
Ayon sa WHO, may higit sa 200 uri ng zoonoses, at ang hantavirus ay isang grupo ng mga virus na karaniwang naipapasa ng mga daga.
At hindi katulad ng leptospirosis na nauugnay din sa mga daga, ang hantavirus ay karaniwang airborne o nasa hangin.
Maaaring mahawa ang isang tao kung malanghap niya ang kontaminadong hangin mula sa ihi, dumi, o laway ng infected na daga. Maaari din itong pumasok sa katawan sa pamamagitan ng mga sugat.
Sa bihirang pagkakataon, ayon sa WHO, maaari din itong maipasa ng tao sa tao.
Ayon sa medical journal na The Lancet, nagmula ang pangalan ng virus sa Hantan River sa South Korea kung saan ito unang natuklasan noong dekada 1970.
Maaaring magdulot ng dalawang sakit ang hantavirus: ang Hantavirus Pulmonary Syndrome (HPS) at Hemorrhagic Fever with Renal Syndrome (HFRS).
Mas nabibigyang-pansin ang HPS dahil sa mataas nitong fatality rate.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), umaabot sa 40% ang fatality rate ng HPS, na ang ibig sabihin, apat sa bawat sampung nahahawa ay maaaring mamatay.
Sintomas
Ayon sa CDC, lumilitaw ang mga sintomas ng HPS mula isang linggo hanggang walong linggo matapos ma-expose sa infected na daga.
Sa unang yugto, kabilang sa mga sintomas ang:
- Lagnat
- Matinding pagkapagod
- Pananakit ng kalamnan (lalo na sa balikat, likod, balakang, at hita)
Pagkalipas ng apat hanggang sampung araw, maaaring maranasan ang:
- Ubo
- Hirap sa paghinga
- Pagkakaroon ng likido sa baga
Nagbabala ang CDC na maaaring mapagkamalan ang HPS na trangkaso dahil mahirap itong matukoy sa loob ng unang 72 oras.
Hindi tulad ng leptospirosis na maaaring gamutin gamit ang antibiotics gaya ng doxycycline, wala pang tiyak na gamot para sa HPS. Ang paggamot ay nakatuon lamang sa pagpapagaan ng sintomas at supportive care tulad ng sapat na pahinga at pag-inom ng tubig.
Sa mga kaso na nahihirapang huminga ang pasyente, maaari silang bigyan ng breathing support tulad ng ventilator.
Paano maiiwasan?
Upang maiwasan ang hantavirus, payo ng mga eksperto:
- Lumayo sa mga daga
- Huwag walisin o i-vacuum ang dumi ng daga dahil maaaring kumalat ang virus sa hangin
Sa Pilipinas, may natuklasang bagong uri ng hantavirus sa mga fruit bat sa Quezon Memorial National Park noong 2016, na tinawag na Quezon virus (QZNV). Gayunpaman, wala pang naitatalang kaso ng human transmission nito hanggang 2025. -- FRJ GMA News
