Inihayag ni Senador Robin Padilla na nakisabay at nakisakay lamang umano sa kaniya si Senador Ronald "Bato" dela Rosa palabas ng Senado matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng kapulungan noong nakaraang linggo. Giit din niya, hindi niya ito tinulungang “tumakas.”
"Ang sabi ni Senator Bato, ‘Sasabay na ko.’ Alangan naming tanggihan ko yun? Walang sasakyan si Sen. Bato dahil inihatid lang siya sa Senado ng sasakyan ni Senador Alan Peter Cayetano,” pahayag ni Padilla sa panayam ng Net25.
Ayon pa kay Padilla, bumaba si Dela Rosa sa Makati at doon naghihintay umano ang sarili nitong sasakyan. Dagdag niya, hindi na niya tinanong kung saan pupunta ang senador.
Sinabi rin ni Padilla na hindi maituturing na “fugitive” o pugante si Dela Rosa.
“Para sa akin, hindi siya fugitive. Hindi ko matanggap na basta na lang natin tatawaging ganoon dahil sinabi ng dayuhan. Kailangan din nating igalang ang sarili nating proseso bilang bansa,” sabi ni Padilla.
Nitong Miyerkules, ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ni Dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) at status quo ante order (SQAO) kaugnay ng posibleng pag-aresto sa kaniya batay sa warrant na inilabas ng International Criminal Court laban sa kaniya.
Sa sumunod na araw, sinabi naman ni Justice Secretary Fredderick Vida na inatasan na ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation na arestuhin si Dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng ICC. Kaugnay ito sa partisipasyon umano niya sa madugong kampanya kontra-droga ng dating administrasyong Duterte.
Nagsilbi si Dela Rosa na hepe ng Philippine National Police noong 2016 na kasagsagan ng drug war.
Matapos mawala sa publiko nang ilang buwan, muling nagpakita si Dela Rosa noong Mayo 11 sa Senado, kung saan sinubukan ng mga ahente ng NBI na ihain sa kaniya ang ICC arrest warrant.
Ayon pa kay Padilla, tatlong araw niyang nakasama si Dela Rosa habang nasa pangangalaga ng Senado, ngunit sinabi nito na kinailangan na niyang umuwi noong Huwebes matapos ang insidente ng pamamaril sa Senado. — Sundy Locus/FRJ GMA News
