Hindi una’t huling hirit ni Baus Rufo ang pagiging guest host sa GMA morning show na “Unang Hirit” nitong Huwebes sa kabila nang nangyaring “sakuna” nang mabanggit niya ang katagang “Kapamilya” sa halip na “Kapuso.” Si Baus kasi, imbitahan na bumalik sa programa sa Biyernes.

Bago nito, nag-post sa Facebook ang “Dogshow Divas” ng video tungkol sa viral niyang pagbanggit sa katagang “mga Kapamilya,” sa halip na "mga Kapuso," sa live GMA broadcast ng Unang Hirit.

“Salamat Unang Hirit,” saad ni Baus sa caption. “Willing po ako to work overtime without pay at mag choreograph ng Christmas party number for free.”

Bago pa ang kaniyang pagsalang, inihayag ni Baus sa Threads ang kaniyang pagkasabik sa kaniyang gagawing pag-guest host sa programa.

"Doing my Unang Hirit debut tomorrow! I’m so excited! Sana magising tayo sa alarm natin!"

Matapos ang kaniyang guesting, nag-post siya ng katagang: "'Yung Unang Hirit ko naging first and last episode ko na."

May post din siya ng larawan na nilagyan niya ng caption na, “Moments before the sakuna.”

Nakisama naman sa kaniya ang mga netizen at may isang nagsabing, "Akala ko huling hirit mo na."

Sa isa pang post, ibinahagi ni Baus ang screenshot mula sa “Unang Hirit” researcher na iniimbitahan siyang bumalik sa programa sa Biyernes.

“Okay buhay pa tayo,” saad ni Baus.

Paalala ni Baus sa sarili para sa muli niyang pagsalang sa Unang Hirit sa Biyernes, "Hoy bakla ayusin mo bukas pls lang."

Isang content creator si Baus na kilala sa kaniyang pag-host sa podcast show na "Dogshow Divas" kasama si Macoy Dubs.

Isa rin siya sa mga “Celebri-peeps” sa GMA Network game show na “The People Have Spoken.” —Nika Roque/FRJ GMA News