Inihayag ng tagapangulo ng grupo ng motorcycle taxi riders ang kaniyang matinding pighati at galit matapos ang mga nakaraang insidente ng pagpatay at pagholdap sa mga kabaro nila. Kamakailan lang, dalawang motor taxi riders ang magkasunod na nabiktima ng mga kriminal na nagpanggap na mga pasahero.
“Isang nakakapighati at nakakagalit na sitwasyon mula sa aming hanay dahil magkasunod ang pangyayari na 'yan; Na para bang akala mo ang buhay ng MC Taxi Rider ay ganu’n ganu’n na lang kung kitilin nila,” sabi ni Romeo Maglunsod, chairperson, Motorcycle Taxi Community Alliance sa panayam sa kaniya ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes.
“Parang walang nagpoproteksyon sa panahon na ito, ‘yon ang pakiramdam namin. Naghahanapbuhay ka nang parehas, hindi ka makaramdam ng proteksyon sa gobyernong pinaglilingkuran mo,” dagdag niya.
Mga kakulangan
Ipinunto ni Maglunsod ang kakulangan sa seguridad ng mga rider, lalo ang mga bumibiyahe sa mga alanganing oras gaya ng madaling araw. Ayon sa kaniya, marami nang motorcycle taxi rider ang nahoholdap pero hindi nagrereklamo.
“Hindi na bago sa amin ang panghoholdap. Pero ang papatayin ka pa, nakakarimarim na po masyado,” sabi niya.
Ayon pa kay Maglunsod, ilan sa mga lugar kung saan talamak na nabibiktima ng kriminal ang mga MC taxi rider sa gabi ay sa C6, Taguig at Cavite dahil sa kakulangan ng mga CCTV at police visibility.
Nangamba siya na posibleng wala nang MC taxi rider ang bumiyahe tuwing gabi.
“Darating sa punto na ‘yun kasi naghahanapbuhay po kami para umuwing buhay. Hindi para umuwing patay,” patuloy niya.
BASAHIN: 1 pang motorcycle taxi rider, hinoldap at pinatay ng kaniyang pasahero na holdaper pala
Pagdating naman sa mga ride-hailing application, sinabi ni Maglunsod na may ilang hindi istrikto tungkol sa paghingi ng face recognition, mga government ID at karagdagang impormasyon ng mga pasahero.
Sa panig ng mga MC taxi rider, itinuturo umano nila sa kanilang mga kagrupo na iseguro rin ang kanilang mga sarili, at ibaba ang mga pasahero sa tamang lokasyon, o sa tapat ng bahay, barangay, o opisina, at maliwanag na lugar.
Ipinapanukala rin ng grupo ni Maglunsod ang pagkakaroon ng mga MC taxi rider ng camera at GPS bilang proteksyon sa sarili.
Sa gitna ng panayam, hindi napigilan ni Maglunsod na maging emosyonal at maiyak tungkol sa kalagayan at pangamba ng mga MC taxi rider.
“Bakit ganu’n? Naghahanapbuhay lang ‘yung tao nang parehas. Bakit papatayin? ‘Yun ang masakit. Paano kung ako ‘yun?,” saad niya.
“Kunin niyo na lang ‘yung pera. Kunin na lang ‘yung pinagpaguran. Huwag na ‘yung buhay. Maawa naman sila sa driver. May pamilya ‘yung tao, may anak. Papatayin mo, naghahanapbuhay nang maayos,” saad niya.
Nanawagan si Maglunsod sa mga awtoridad tungkol sa mas mahigipit na seguridad para maprotaktahan ang mga MC taxi rider.
“‘Pag nagsumbong ba kami pakikinggan ba kami agad? Maglalabas ba sila ng task force? Maglalabas ba sila ng mga kapulisan? Wala eh. Hanggang iyak lang kami. Ang mga pamilya namin lumuluha lang,” patuloy niya.
“Ang sakit lang po sa pakiramdam na parang… Ba’t ganu’n, lumabas lang ako para maghanapbuhay. ‘Yun na pala ‘yung huling biyahe ko,” sabi pa ni Maglunsod.
LIVE sa DZBB: Romeo Maglunsod, Chairperson, Motorcycle Taxi Community Alliance, kaugnay sa dalawang motorcycle taxi riders na pinatay ng kanilang pasahero
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 16, 2026
📻: 594 kHz AM band
📡: https://t.co/Jl7zdr26Yg
💻: https://t.co/Jy4ATG1v0v
▶️: https://t.co/Cl273HR6hS pic.twitter.com/PNpcTZA52O
-- FRJ GMA News

