Pinagpupukpok umano ng malalaking bato ng isang 50-anyos na security guard ang kanyang mahina nang ama sa kanilang bahay sa Sinait, Ilocos Sur.

Ayon sa lokal na pulisya, nakita sa terrace ng kanilang bahay sa Barangay Purag ang bangkay ng 85-anyos na biktimang si Elpidio Yadao.

Namatay umano ang matanda dahil sa mga tama sa ulo at iba't ibang bahagi ng kanyang katawan.

Hinihinala ng mga imbestigador na ang malalaking bato na natagpuan malapit sa bangkay ng biktima ang ginamit sa pamamaslang.

"Mayroon silang narecover na mga bato doon, medyo malalaki, baka iyon ang ginamit niya na pampukpok sa kanyang ama," ayon kay Chief Inspector Reynaldo Mendoza, hepe ng lokal na pulisya.

Inaresto ng mga pulis ang anak ng biktima na si Nestor Yadao, na nahaharap sa kasong parricide.

Ayon sa mga kapitbahay, baka may matinding galit ang security guard sa kanyang ama dahil naiikukuwento nito ang pagmamalupit sa kanya ng matanda noong siya ay bata pa.

Sa resulta ng paunang imbestigasyon ng mga pulis, galing umano sa lamay ang nakainom na si Nestor at pinagpupukpok ng malalaking bato ang ama.

Hindi na raw masyadong makagalaw ang biktima dahil sa katandaan.

Todo tanggi naman ang security guard na siya ang pumaslang sa matanda at aniya, mahal na mahal niya ang kanyang ama. —ulat ni Alfie Tulagan/ALG, GMA News