Pinagmumulta ng pinakamataas na korte sa Italya ang isang restaurant dahil sa matinding "paghihirap na nararanasan" umano ng mga lobster na inilalagay nang buhay sa yelo bago sila lutuin at isilbi sa mga kostumer.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nagpasya ang korte na hindi dapat ilagay sa yelo nang buhay ang naturang lamang-dagat at pahirapan pa bago kainin.
Ang pasya ng mga hukom ay bunga sa inihaing reklamo ng animal rights group laban sa may-ari ng isang restaurant na malapit sa Florence dahil sa paglalagay ng mga buhay na lamang-dagat sa yelo.
Dahil dito, pinagmulta ang may-ari ng restaurant ng 2,000 euro ($5,593) at 3,000 euros para sa legal fees.
Pinagtibay ng naturang desisyon ang naunang pasya ng mababang korte na hindi dapat maltratuhin ang mga lobster kahit pa niluluto sila nang buhay kung minsan.
"While the particular method of cooking can be considered legal by recognizing that it is commonly used, the suffering caused by detaining the animals while they wait to be cooked cannot be justified in that way," saad umano sa pasya ng korte.
Sa halip na nasa yelo, sinabi ng korte na isang legal na alternatibo ang ilagay ang mga lamang-dagat sa oxygenated water tanks na may room temperature gaya ng ginagawa sa mga high-level restaurant at maging sa mga pamilihan. -- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News
