Kung karaniwan na sa ilang bansa sa Asya, gaya ng Pilipinas, ang pagkain ng mga kuliglig o crickets, sa Belgium ay sisimulan pa lang itong ipakilala para maging bahagi ng listahan sa kanilang mga putahe.
Sa isang ulat ng Reuters, inihayag ng cricket breeder na eco-friendly na "Little Food," na mahusay na pamalit sa karne ang mga kuliglig para pagkunan ng protina.
Itinuturing din na mas eco-friendly ang pag-aalaga ng mga kuliglig kaysa mga hayop na pinagkukunan ng karne.
"For the same amount of protein as a cow for instance, they (crickets) need 25 times less food, they need 300 times less water, and they produce 60 times less greenhouse gases," paliwanag ni Nikolaas Viaene ng Little Food.
Maaari umanong kainin ang mga kuliglig na pinatuyo na lalagyan ng iba't ibang pampalasa gaya ng bawang o tomato, o iluto nang may arina.
Bukod sa Pilipinas, karaniwan na rin umanong kinakain ang kuliglig sa China, Ghana, Mexico at Thailand.
Ngunit tila hindi pa umano sigurado ang ilang residente sa Brussels na tumikim ng kuliglig.
"No, I'm not eating that," ayon kay Efthimia Lelecas na hinikayat na tikman ang kuliglig. "No, no, that looks awful, no, no...no." -- FRJ, GMA News
