Umulan man o umaraw, matiyagang nagmamando ng daloy ng trapiko sa isang barangay sa Cebu City ang 59-anyos na si Magdalino Borces, o Onkol. Pero hindi lang sa kasipagan at dedikasyon niya sa trabaho hinahangaan si Onkol, kung hindi maging sa kung papaano niya hinaharap ang buhay sa kabila ng kaniyang kapansanan.
Si Onkol ay isang traffic aide sa Barangay Kasambagan sa Cebu City na isinilang na walang mga kamay at paa.
Dahil sa kaniyang kalagayan, kahirapan at maaga pang naulila sa mga magulang, grade 5 lang ang inabot niya.
Pero hindi man siya nabiyayaan ng kompletong bahagi ng katawan, mas pinili niyang maging produktibo at makatulong sa komunidad kaya nagtrabaho siya sa kanilang barangay bilang traffic enforcer.
Si Onkol mismo ang nag-aasikaso sa kaniyang sarili sa pagpasok sa trabaho.
Gamit ang pinasadyang padyak, siya rin ang nagmamaneho nito patungo sa lugar kung saan siya nakatalaga para magmando ng trapiko.
Panoorin ang kuwento ng kaniyang buhay sa video na ito ng GMA program na "Front Row:"
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News
