Isang nagsisimulang kumpanya sa Chile ang nakahanap ng paraan upang makakuha ng malinis na tubig mula sa hangin.

Tinawag ng naturang startup na Freshwater ang imbensyon nito, na isang fog-harvesting system.

Sa ulat ng Reuters, ang naturang imbensyon ay isang homemade solution para sa mga kumunidad na hirap sa suplay ng malinis na tubig.

Ayon kay Hector Pino ng Freshwater, ginagaya ng naturang imbensyon ang natural na paraan ng kalikasan sa paglikha ng tubig. Sa loob ng naturang imbensyon, nagkakaroon ng maliit na ulap na ginagamit upang lumikha ng tubig na dumadaan sa isang filtration system upang maging malinis at puwedeng inumin ng tao.

Sinabi ng mga imbentor ng naturang device na iba-ibang klase ng modelo ang kanilang ginawa na kaya mag-imbak ng hanggang 30 litro ng tubig.

Ang tubig na pino-produce ng imbensyon na ito ay puwede ring ilagay sa mga solar panel at gawing source ng kuryente.

Ayon sa Reuters, nakapila na ang mga installion projects ng Freshwater sa El Salvador at Colombia dahil na rin sa kakaibang potensyal nito.

Umabot kaya sa Pilipinas ang naturang imbensyon? —ALG, GMA News